Bawal ang ebidensiya
IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - January 15, 2019 - 12:00am

(Huling bahagi)

SI Alex lang ang kinasuhan sa korte ng krimeng robbery with homicide dahil hindi pa nahuli si Bogs. Base sa kanyang pag-amin at sa tulong ng testimonya ng kapitan ng pulis na tumayong abogado sa kaso ang ebidensiya ng prosekusyon. Ayon naman sa depensa ni Alex bilang nag-iisang testigo, dinala niya ang mga kinatay na manok kay Aling Fe at bumalik bandang 10:20 ng umaga para ibigay ang bayad kay Aling Connie. Hindi raw siya kasama sa mga nagnakaw at pumatay sa bahay ni Aling Fe. Inaresto raw siya na walang warrant, kinulong at binugbog sa loob ng 1 linggo hanggang mapilit na umamin sa krimen. Hindi raw niya nakita o natulungan man lang ng sinasabing abogado na umalalay sa kanya sa paggawa ng extra-judicial confession at pinapirmahan sa kanya ang papel kahit wala siyang naiintindihan sa laman nito dahil hindi siya maru­nong bumasa. 

Pagkatapos ng paglilitis, hinatulan ng korte si Alex na may sala at sinentensiyahan ng reclusion perpetua. Pinagbabayad din siya ng danyos para sa mga naulila ng mga biktima. Umapela si Alex at ginamit na depensa na hindi niya pinili ang abogadong ibinigay sa kanya at hindi kusa ang ginawa niyang pagpirma. Pinilit lang daw siya na pu­mirma ng 5 beses.

Ayon sa Korte Suprema, hindi masasabing pinilit lang si Alex na gawin ang pag-amin sa pamamagitan ng puwersa at dahas. Hindi man lang nga nagpagamot o nagpasuri si Alex. Hindi rin siya pumirma ng 5 beses kundi pinirmahan lang niya ang papel sa iba’t ibang parte. Marami rin detalye sa dokumento ng pag-amin na tanging ang gumawa lang ng krimen ang makakapagkuwento. Ang pagiging kusang loob na pag-amin ay mapapatunayan sa mga detalyeng nakapaloob sa papel.

Pero ang pag-amin ni Alex ay hindi pa rin matatanggap na ebidensiya dahil hindi sinabi kay Alex na (1) dapat ipinaalam sa kanya ang karapatan niyang manahimik, (2) dapat binalaan siya na anumang sasabihin niya ay magagamit laban sa kanya at (3) dapat sinabi rin sa kanya na may karapatan siyang kumuha ng abogado at kung mahirap siya ay bibigyan siya ng abogadong magtatanggol sa kanya. Sa kasong ito ay binasahan lang siya ng kanyang mga karapatan pero hindi man lang nagtiyaga ang mga pulis na magtanong kung gusto niyang kumuha ng sariling abogado. Isa pa, ang kanyang abogado ay ang hepe/station commander mismo ng mga pulis.

Kaya ang extrajudicial confession ni Alex ay hindi pa rin matatanggap bilang ebidensiya. Dapat lang siyang ma­pawalang-sala sa krimen dahil hindi napatunayan ng walang pag-aalinlangan na ginawa niya iyon. Masasabi na nakawala ang isang kriminal dahil nadapa ang pro­sekusyon. Pero mas mabuti na hayaan ang nagkasala na makawala kaysa naman parusahan ang isang inosente (People vs. Obrero, G.R. 122142, May 17, 2000).

CRIME ROBBERY
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with