Dakilang Katolikong bansa, guniguni ni Pope Francis
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - January 11, 2019 - 12:00am

MAPAPAISIP ka kung merong bumobola kay Pope Francis tungkol sa tunay na kalagayan ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas. Tinawag niya ito na isa sa pinaka-dakilang bansang Katoliko, nang ipadala si Osaka Cardinal Thomas Manyo Maeda para kumatawan sa kanya sa ika-60 anibersaryo ng Manila Cathedral. “Totoo, tumitindig ngayon ang maharlikang Simbahan sa Pilipinas sa hanay ng mga pinaka-dakilang bansang Katoliko sa buong mundo,” niliham ng Pontiff (salin sa Tagalog). “Kaya, hindi kataka-taka, patuloy siyang nagpapadala ng misyonaryo sa iba’t ibang rehiyon.”

May nagsabi na ba kay Pope Francis ng mapapait na katotohanan? Halimbawa, na ang Pilipinas kung saan 80% ng mamamayan ay Katoliko, 40% rin ay maralita at 15% ay nagugutom? Na mga pamilyang 15 hanggang 20 ang miyembro ay nagsisiksikan sa mga kubo na madaling magiba ng bagyo at matangay ng baha? Na, kumakalam ang tiyan, ang mga batang lansangan ay nagbubungkal ng mga basurahan para sa tira-tirang pagkain? Na, sa mga dumps naghahanap sila ng luma at sirang gamit na maiuuwi bilang laruan o kasangkapan?

Naipabatid ba kay Pope Francis na ang mga eskuwelahang Katoliko ang tinuturing na pinaka-magagaling sa Pilipinas? Na ang mayayaman ay pumapasok sa mga mamahaling kolehiyong ito, kung saan sinasanay sila sa management, pilosopiya, at sining, at guma-graduate­ para maging political dynasts na nagpapanatili sa mapaniil na sistemang ekonomiya? Na nagsusumiksik ang mga Katoliko sa simbahan para ipakita ang pagka-madasalin, pero hindi naman ibinabahagi ang konting yaman at talino para sa kapwa, maliban lang tuwing Kapaskuhan? Na hindi magkaisa ang mga obispo kontra sa ganyang kasakiman at pag-abuso? Na ipinagdarasal nila ang mga lumalait sa Bibliya, pero hindi naman nila itinuturo ang tama sa madla?

Hindi kadakilaan ‘yon, kundi kakulangan.

POPE FRANCIS
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with