^

PSN Opinyon

Walang dapat ikatakot?

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

KINUMPIRMA na ng PNP na may utos na mag-imbentaryo ng mga guro na kilalang miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), na ang tingin ng administrasyong ito ay may kaugnayan sa mga komunista, at kilalang kontra kay President Duterte. Kumpidensyal ang memo sa mga pulis. Pero nailabas ang memo sa publiko kaya naging malakas ang pagbatikos sa PNP mula sa ACT at iba pang grupo. Labag daw sa kanilang karapatan ang ma-imbistigahan at tila mabantayan ng ganito. Sinibak na nga ni PNP Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde ang ilang opisyal ng Intelligence, hindi dahil sa ginawang listahan, kundi dahil nakalabas ang memo. Dagdag pa ni Albayalde, hindi dapat lantaran ang pag-imbistiga, na nagdudulot lamang ng takot.

Wala raw dapat ikatakot ang ACT, kung wala naman daw ginagawang masama, ayon kay Presidential Spokesperson Panelo. Pero sino ba ang may gustong minamanmanan ng pulis, kahit wala kang kasalanan? Sino ang may gustong pinupuntahan ng pulis para sa anumang dahilan? May mga wala namang kasalanan na dinalaw din ng pulis at nauwi lang sa “nanlaban”. Kung kilalang kontra kay Duterte ang ACT, at ngayon ay minamanmanan na ng pulis, tama lang na may pangamba na sila. Malayo bang isipin na may masaktan, o may mapatay pa sa kanila, at sabihin kalaban ng bansa?

Hindi ba ganyan din ang Tokhang? Nagsimula sa pag-imbentaryo lang ng mga kilalang drug user. Tapos d’yan na nagsimula ang extrajudicial killings, hindi ba? Ilan na rin ang napatay sa mga inilabas na druglist. Kaya sino ang may gustong malagay sa anumang listahan ng administrasyong ito? Karapatan ng lahat ang mamuhay ng malaya. Ang pag-iimbentaryo ng anumang grupo ay simula na ng pagbawas ng kalayaang iyan. Sino ang susunod na “iimbistigahan”? Kung kilalang kritiko ba ng administrasyon, sapat na ba iyon para imbestigahan ng PNP o ng AFP?

Wala raw patakaran ang gobyerno para manmanan ang mga guro. Pero taliwas nga itong pahayag ng Pa­lasyo sa memo na inamin na nga ng PNP. Hindi rin isa o dalawa ang pakay ng PNP, kundi lahat ng may kaugna­yan umano sa ACT. Hindi ba patakaran na rin iyon? Hindi ba sumusunod din lang sa utos ng Palasyo ang PNP?

vuukle comment

ALLIANCE OF CONCERNED TEACHERS

RODRIGO DUTERTE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with