Daang-bilyon ninanakaw; kasi sobra buwis natin
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - January 8, 2019 - 12:00am

NAGBIBISTUHAN ang mga paksiyon sa Kongreso ng mga isiningit na ilegal na pork barrel sa taunang national budgets. Daan-daang bilyong piso ang halaga ng mga proyekto na pinagkukumisyonan nila. Batid ng mamamayan ang kahulugan nito. Sobra-sobra pala ang buwis na ibinabayad natin. Aandar ang gobyerno miski bawasan ito.

Nagbunga ang exposé ni Sen. Panfilo Lacson. Nabisto ang P2.4-bilyon pork ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo, P1.9 bilyon ni House Majority Leader Rolando Andaya at sinlaki sa mga katotong kongresista. Habang inaamin ‘yon, itinugak ni Andaya ang iba pa. Isandaang kongresista ay mas malaki pa ang pork kaysa Arroyo; P8 bilyon ang kay ex-Speaker Pantaleon Alvarez. Tig-P60 milyon ang nalala­bing 194 pang kongresista. Meron din P8 bilyon ang mga senador. Tumataginting na P272 bil­yon kung susumahin lahat ‘yon.

Inusisa nina Andaya at Minority Leader Danilo Suarez­ si Budget Sec. Ben Diokno tungkol sa P52 bilyon pork ng pangkat ni Alvarez. Ani Diokno, P75 bilyon lahat ‘yon, pero hindi raw pork. Nagparatang si Suarez na pinarada ni Diokno­ ang P550 milyon pork barrel sa distrito ng bala­eng politiko sa Sorsogon. Dagdag ni Andaya na meron din P300 milyon ipinarada sa Bicol ng isang dating­ Duterte Cabinet member na kandidato ngayong Halalan 2019. Umano’y “bagong pinagkikitaan” ang mga flood control dahil nadadaya ang mga sukat. Kaya ang P79 bilyong pangontra-baha nu’ng 2017 ay lumobo sa P133 bilyon nu’ng 2018 at P114.4 bilyon ngayong 2019. Kinatuwiran ni Diokno na hindi siya kundi Public Works Secretary ang taga-apruba ng mga kontrata, at kailangan ng mas mara­ming flood control dahil sa climate change.

Banat ni Alvarez na kinikikilan lang ng paksiyong Arroyo­-Andaya si Diokno ng P166.1 bilyong road users’ fund. Pag­hahatian umano nila.

At nadiskubre ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang P17 bilyon nakaparada sa DILG para sa mga proyektong hindi naman kanila.

GLORIA MACAPAGAL ARROYO PANFILO LACSON
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with