Rapist si titser
IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - January 8, 2019 - 12:00am

(Huling bahagi)

APAT na araw pagkatapos ng nangyari ay nagsumbong na si Elena sa mga magulang tungkol sa sakit na nararamdaman. Sinuri siya ng doktor at nang hindi na makatiis ay humagulgol at inamin sa mga magulang ang totoo. Inakusahan si Baldoz at Mary Grace sa pagsasabwatan para magahasa ng titser si Elena.

Tigas na pagtanggi naman si Baldoz sa paggahasa kay Elena. Ang depensa nito ay wala na siya sa school  nang mangyari ang insidente ng rape. Lumabas daw siya bandang 2:57 ng hapon at sinabi sa principal at sa mismong korte na nasa bahay na siya nang oras na naganap ang rape dahil sinundo niya mula sa bahay ng kanyang biyenan ang anak.

Tumestigo para kay Baldoz ang high school principal, security guard, kapwa co-teacher, pati kapatid at kanyang biyenang babae.

Pero kumbinsido ang mababang hukuman na ginahasa ni Baldoz si Elena. Malinaw at makatotohanan ang na­ging testimonya ni Elena. Dinetalye niya kung paano siya pinagsamantalahan ni Baldoz. Positibo rin na itinuro ng dalagita ang kanyang titser at tinawag na “maitim, malaki ang tiyan at may bigote”. Imposible raw na magkamali sa pagkakilanlan si Elena lalo at apat na buwan na siyang titser nito. Binasura ng korte ang paratang ni Baldoz na apat na kaklase ni Elena ang totoong gumahasa sa estudyante. Kuntento rin ang korte sa paliwanag ni Elena na nagkaroon siya ng emotional breakdown kaya lang nadawit ang pangalan ng mga kaklase.

Ayon kay Baldoz, nagkamali ang korte sa paghatol sa kanya dahil lang sa akusasyon ni Elena. Kontra pelo raw ang naging aktuwasyon ng dalawang huwes na humawak ng kaso dahil hinayaan nga siya ng una na makapagpi­yansa samantalang diniin ng ikalawa. Isa pa raw ay hindi kilos ng isang ginahasang biktima ang ginawa ni Elena.

Kinatigan pa rin ng Supreme Court ang hatol ng korte. Ang nag-iisang testimonya raw ng biktima ng rape ay sapat na para madiin ang rapist lalo at kapani-paniwala ang kanyang mga sinabi lalo kung malinaw niyang dinetalye kung paano siya ginahasa ng akusado. Ang masaklap na sinapit ng biktima ay katugma rin ng naging ulat ng medico-legal patungkol sa kanyang nasirang hymen. Sa batas na umiiral, kung sinabi ng biktima na siya ay ginahasa, ang tanging kailangan lang ay ipahayag niya kung paano ito nangyari. Imposible naman na gumawa ng istorya ang isang dalagita kung paano siya ginahasa, hayaan ang publiko na pag-usapan siya, sumalang sa paglilitis sa korte o ipasuri sa isang doktor ang maseselang bahagi ng kanyang katawan kung hindi totoo ang rape at para makamit ang hustisya sa kanyang sinapit.

Ang paunang pag-aaral tungkol sa ebidensiya ay para lang sa isyu kung hahayaan ang akusado na magpiyansa o hindi. Hindi pa dito nagtatapos ang pag-aaral sa kaso.

Kaya walang alinlangan na talagang ginahasa ni Baldoz si Elena at tama lang na hatulan siya ng reclusion perpetua pati magbayad ng danyos-perwisyo sa kanyang ginawa (People vs. Baldoz and Mary Grace Agnel C. Baldoz, G.R. 140032, Nov. 20, 2011). 

RAPE
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with