Para di ma-scam, maging paladuda sa lahat nang oras
BAHALA SI BITAG - Ben Tulfo (Pilipino Star Ngayon) - December 24, 2018 - 12:00am

DELIKADO mag-invest sa isang negosyo kapag ibang tao ang kasama mo. Kung ika’y nagbabalak magnegosyo, ipagkakatiwala mo ba ang pera mo sa ‘di mo kilala? 

Huli na nang mapagtanto ito ng isang complainant sa aming action center. Ang nagrereklamo, naperahan ng kanyang “business partner” ng P7 million.

Naengganyo at nag-invest sa negosyong buy and sell ng mga lupa. Hindi na nakapag-isip nang maigi. Ang pinagbigyan niya ng pera, hindi kaanu-ano ng biktima. Isang matandang babae na pinakilala lang ng isang ka­ibigan.

Nang magkabayaran, hindi na alam kung saan napunta ang pera. Napakahirap isipin na pumasok siya sa isang business venture kasama ang isang total stranger. Bagets siya habang gurang ang inirereklamo.

Hindi man lang nagduda sa kausap niya. Nagtiwala siya agad sa matanda. Nadala sa boladas ng bunganga. Magulang… alam ang kanyang ginagawa.

Pinag-aralan at na-profile ni tanda ang kanyang target. Nakita na ideal victim ang complainant: Bata, bubot pa ang isip at mayaman.

Boka at kuwento lang ang puhunan niya, instant milyo­naryo na. Alam na mayroong source at na-research kung saan nanggagaling ang pera.

Malikhaing panggagantso… ginawa siyang financier tapos lolokohin. Hindi alam ng biktima kung paano ang magiging sistema ng kanilang negosyo.

Labas siya sa lahat ng mga transaksyon, kung mayroon man. Tanging ang gurang niyang business partner lang ang may alam.

Ending… nawaldas ang kanyang milyones. Hindi ma­idepensa kung saan napunta ang pera. Babayaran na lang daw ni tanda.

Magbibigay ng P50k kada linggo. Sa kasalukuyan, nakapagbayad na siya ng P250k. Milyones pa ang kailangang bayaran. Siguro kapag nahulog na ang langit, mababalik na lahat ng kanyang pinundar.

Anong payo ko sa kanya? Kumuha ng abogado at padalhan ng liham at demand letter ang inirereklamo.

Walang nakukulong sa utang. Pero may nakukulong sa pamamaraan ng pag-utang, kung mayroong panlilinlang at panloloko.

Para hindi kayo mabitag, maging paladuda sa lahat ng oras… sa lahat ng pagkakataon. Ang taong hindi nagtatanong, nabibiktima ng mga dorobo. 

BUSINESS NEGOSYO SCAM
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with