Mga bagon na gawang China inayos nga ba?
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - December 21, 2018 - 12:00am

SINASAPALARAN ni Transportation U-Sec. for Railways Timothy John Batan ang buhay ng 350,000 sumasakay araw-araw sa MRT-3. Pinaaandar at pinasasak­yan niya ang tatlo sa 48 bago pero palpak na bagon mula China. Ito’y bagama’t wala pa siyang ipinapakitang sertipiko -- mula sa eksperto o sinumang mataas na opisyal ng DOTr -- na ligtas nga ang mga bagon. Maha­laga ang sertipiko na ‘yon. Anumang uri ng sasakyan -- eroplano, barko, truck, bus, kotse, motorsiklo -- ay sinesertipi­kahang ligtas gamitin sa ere, dagat, o lupa.

Nagyayabang si Batan na anim pang bagon na galing­ China ang idadagdag niya sa regular run. Anumang pagbaluktot, paglihis, pagbale niya sa isyu, nananatili pa rin ito: mananagot siya sa anumang malagim na sapitin ng mga pasahero.

Nakakatakot ang pinagmulan ng 48 bagon. Maano­malya itong binili sa Dalian Locomotive and Rolling Stock Corp. nu’ng 2013. Hindi pa gumagawa noon ang Dalian ng light rail vehicles na de-makina bawat gulong. Maru­nong lang ito sa heavy railcars na hinihila o tinutulak ng locomotive. Kaya hindi ito kuwalipikado mag-bid. Pero pumasyal na sa Dalian ang mga taga-DOTr noon, kaya pinaboran ang kumpanya. Dineliber sa Manila ang mga bagon na walang makina, gulong, at signaling. Ibi­nunyag pa ni dating MRT-3 general manager Al Vitangcol na may 5% kickback, o P190 milyon, mula sa P3.8-bil­yong presyo.

Nu’ng Marso 2018 sinabi ng mga ekspertong Hapones at Europeans na depektibo ang disenyo at pagbuo ng 48 bagon. Siyamnaput-apat na components ay hindi na-test-run sa iba’t ibang bilis, kurbada, panahon, at emergency condition. Hindi sinunod ang specifications ng kontrata -- kaya walang taga-DOTr ang nais magsertipika sa mga bagon. Peligroso at sirain umano ang mga ito, kaya dapat isoli sa pabrika para ayusin.

Hindi sinunod ni Batan ang pasya ng mga eksperto. Nu’ng Oktubre inanunsiyo niya na gagamitin na ang siyam sa 48 bagon, pero magsisimula muna sa tatlo. Bahala na kung ano’ng mangyari.

CHINA MADE MRT-3
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with