Magandang  ugali
Magandang ugali
DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong (Pilipino Star Ngayon) - December 20, 2018 - 12:00am

NAPAG-USAPAN na natin ang mga payo para magkaroon ng kagandahan na panlabas. Pero mayroong mga tao na kahit hindi naman maganda o guwapo, ay may taglay na kagandahan na panloob. Mabait sila at charming kung tawagin. Ang katangiang ito ay nakakaakit sa ibang tao. Heto ang mga paraan para makam­tan ito:

1. Magkaroon ng malasakit para sa ibang tao -- Kapag matulungin ka sa iyong kapwa, gaganda rin ang pananaw sa iyo ng ibang tao.

2. Magpakita ng tamang modo -- Magkaroon ng res­peto sa nakatatanda sa iyo. Alamin kung kailan karapat-dapat magsalita at kailan mananahimik.

3. Maging malinis sa katawan – Siguraduhing malinis ang iyong mukha, buhok, kuko at iba pang parte ng katawan. Kahit ika’y hindi maganda o guwapo, kapag ika’y malinis sa katawan ay may dagdag puntos­ na rin.

4. Pahalagahan ang ibang tao – Magsalita ng mabuti tungkol sa iyong kapwa. Magpasalamat sa iyong katra­baho at amo.

5. Maging masiyahin at madaling tumawa – Kapag ika’y tumatawa, nagiging mas kaaya-aya ang iyong personalidad. May nilalabas ding mga good hormones o endorphins ang ating katawan kapag tayo’y tumatawa.

6. Maging matapat -- Huwag magsinungaling. Kahit gaano ka kaganda, kapag nahuli kang nagsisinu­nga­ling, madidismaya ang ibang tao sa iyo. Pero kahit ika’y ordi­naryo lamang, pero kung nagsasabi ka ng totoo, gaganda ka sa paningin ng iba.

7. Pagpasensiyahan ang iyong kaaway – Kung mayroong bumabatikos sa iyo, puwedeng hayaan mo na lang siya. Basta alam mong wala kang kasalanan. Manahimik ka na lang at marami sa iyong kaibigan ang mabibilib sa iyo.

8. Hanapin ang kabutihan sa bawat isa – May kuwento ang awtor na si Norman Vincent Peale. May isang misis na nakapangasawa ng isang babaerong lalaki. Pinayuhan ni Norman Vincent Peale ang misis na gumising siya ng alas 5 ng umaga at ipagdasal lang ang kanyang asawa. Pagkaraan ng ilang linggo, bigla na lang huminto ang kanyang asawa sa pambababae. Ang sabi niya, “Napakabait at napakaganda ng aking Misis. Hindi ko na siya kayang lokohin pa.”

May kasabihan na ang kagandahan ay nasa mata ng tumitingin. Kapag hahanapin natin ang kabutihan sa isang tao, malamang matatagpuan natin ito. Alam kong mahirap ang mga payong ito. Ngunit kung tayo ay magtitiyaga, makakamtam din natin ang kagandahan na panloob.

ATTITUDE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with