‘Emergency’ kasalan
IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - December 9, 2018 - 12:00am

ANG kasong ito ay tungkol sa tinatawag na “marriage in articulo mortis” o iyong kasal kung saan naghihingalo na at malapit na sa kamatayan ang isa sa ikakasal matapos silang magsama nang matagal bilang mag-asawa pero hindi kasal. Kadalasan ito ay biglaan kaya marami sa mga kailangan sa kasal ang hindi nasusunod tulad ng pagpirma ng kasamiyento ng kasal, pagpaparehistro ng kasal sa Civil Registrar at ang affidavit/salaysay ng pari kung bakit walang lisensiya nang ikasal niya ang dalawa. Puwede kaya na ipawalambisa ang kasal kung hindi matupad ang mga sinasabing kailangan? Sasagutin ito sa kaso nina Vince at Patricia.

Bago pa sumiklab ang World War 2 ay nagsasama na bilang mag-asawa sina Vince at Patricia kahit na hindi sila kasal. Marami silang naipundar na ari-arian pero hindi pinalad na magkaroon ng anak. May isang kapatid lang na babae si Patricia at ito si Jena. Nang mapalaya ang Maynila sa kamay ng mga dayuhan, nagkaroon ng malubhang karamdaman si Patricia. Dalawang madre na sina Sister Carmina at Sister Juliet ang nakaalam sa kanyang kondisyon. Dinalaw nila si Patricia at hinimok na mangumpisal. Sinundo nila si Fr. Melvin at nang malaman na hindi kasal sina Vince at Patricia ay kinumbinsi naman nito ang dalawa na magpakasal para may basbas ng simbahan ang kanilang pagsasama. Pumayag sila kaya matapos makapagkumpisal at makatanggap ng komunyon si Patricia ay kinasal sila ni Melvin. Sina Sister Carmina at Sister Juliet ang tumayong testigo/ninang sa kasal. 

Gumaling si Patricia sa kanyang karamdaman at inabot pa ng isang taon bago namatay. Inilibing siya sa pampublikong sementeryo at si Fr. Melvin pa rin ang nagbasbas sa kanyang bangkay. Si Vince ang naging solong tagapagmana ng lahat ng kanilang ari-arian.

Ngunit pagkalipas ng mahigit anim na taon, ang mga apo ni Jena na sina Andy at Lupe ay nagsampa ng kaso laban kay Vince para gumawa ng karampatang kuwenta at ibigay sa kanila ang lahat ng ari-ariang naiwan ni Patricia. Bilang mga apo raw ni Patricia, may karapatan sila sa lahat ng kayamanan nito dahil sila ay legal na tagapagmana. Kinontra sila ni Vince at ikinatwiran na siya, bilang biyudo ni Patricia, ang solong tagapagmana nito. Pinaboran ng korte si Vince. Pareho rin ang naging hatol ng CA. 

Kinuwestiyon nina Andy at Lupe hanggang sa SC ang desisyon ng CA. Ang depensa nila ay wala naman daw katibayan na kasal ang dalawa dahil walang rekord sa Civil Registrar ng kasamiyento ng kasal o kahit pa ang mismong salaysay ng pari na ikinasal niya ang dalawa sa ilalim ng “articulo mortis” kaya walang kaukulang lisensiya.

Ayon sa SC, pormalidad lamang ang pagpirma sa marriage contract at hindi sapat ito para mapawalambisa ang kasal.  Hindi naman isa sa basehan ng annulment ng kasal sa batas ang hindi pagpirma sa marriage contract. Ang importante ay totoong nangyari ang kasal at may kapasidad ang dalawang nagpakasal upang ipahayag sa pari at sa dalawang ninong o ninang ang pagtanggap nila sa isa’t isa bilang asawa. Hindi rin sapat na dahilan na hindi nakagawa ng salaysay tungkol sa kasal na articulo mortis at hindi ito naiparehistro ng pari na nagkasal sa kanila. Hindi naman tama na ipawalambisa ang kasal ng mag-asawa dahil lang sa pagkakamali ng pari lalo at nangyari ito noong naghihingalo na si Patricia, biglaan ito lalo pa’t laganap na noon ang kaguluhan dahil sa World War 2.

Mas may karapatan si Vince sa ari-ariang naiwan ni Patricia kaysa kina Andy at Lupe na apo lamang ni Jena na kapatid ni Patricia (De Loria vs. Felix, G.R. L-9005, June 30, 1958).   

JOSE C. SISON
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with