Lumalabas na babala?
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - December 8, 2018 - 12:00am

HINDI ko maiwasang basahin ang mga balitang ito. Kamakailan lamang, may mga mataas na opisyal mula sa mga malalaking kumpanya sa China ang inaresto dahil sa paglabag sa ilang batas. Si Patrick Ho, isang dating pulitiko sa Hong Kong na naging pangkalahatang kalihim ng China Energy Fund Committee (CEFC), isang NGO na pinondohan ng CEFC China Energy. Si Ye Jian­ming ang founder ng CEFC China Energy. Ang CEFC China Energy ay may halagang bilyun-bilyong dolyar na may kasunduan sa maraming bansa hinggil sa enerhiya. Ang paglaki ng kayamanan ni Ye Jianming ay kahanga-hanga. Tila kasangga niya ang matataas na pinuno ng ilang bansa, habang tumatayo sa tabi ng Presidente ng Tsina na si Xi Jinping. Namili siya nang maraming mga mamahaling pag-aari at tirahan sa buong mundo, at nag­­la­lakbay sa pamamagitan ng sariling eroplano.

Ngunit ang pag-aresto at paghatol kay Patrick Ho dahil­ sa panunuhol sa mga pinuno ng Chad at Uganda para sa mga kanais-nais na proyekto ng CEFC China Energy sa kanilang bansa ay nagpasimula sa pagguho­ sa kaharian­ at kayamanan ni Ye Jianming. May konek­syon si Ye Jianming sa gobyerno ng China. Pero ang pag­kakalantad ng kanyang mga iligal na gawain sa pag­nenegosyo­ ay maaaring ikinagalit ng Beijing, lalo na ang kanyang paglahok sa Belt and Road na proyekto ng China. Tila ginamit ni Ho ang kanyang posisyon sa UN upang makilala ang mga lider ng maraming bansa. Maaaring inalam niya kung sino sa mga lider na ito ang maaaring suhulan. At dahil may malalim na paglahok ang Tsina sa Africa, hindi mahirap hanapin ang kanyang mga target. Sa kasamaang palad, nahuli siya, kinasuhan at hinatulan. Ang kasalukuyang kinaroroonan ni Ye Jianming ay hindi malaman. Maaaring siya ay nasa kostodiya ng gobyerno ng China, o nagtatago na mula sa mga otoridad.

Inaresto naman ang Huawei Chief Executive Officer na si Meng Wanzhou sa Canada. Hindi pa rin malinaw kung ano ang kasong isinampa sa kanya, dahil hindi nagbibigay ng anumang impormasyon tungkol sa pag-aresto sa kanya. Maaaring may kinalaman ito sa pagnegosyo sa Iran, na bawal umano. Siya ay maaaring dalhin sa Amerika to doon pormal na kakasuhan. Alam ng lahat ang industriya ng Huawei. Isang higanteng kompanya ng telekomunikasyon na kakumpetensiya ng Apple iba pang mga manlalaro sa kanilang industriya.

Bakit ko binabanggit ang mga ito? Sa kasalukuyan ay may mga kompanya mula China na kaliwa’t kanang nais makapasok sa bansa at makapagnegosyo, iba nag-aalok ng pautang para sa mga proyekto ng gobyerno. Mayroong ikatlong kumpanya ng telekomunikasyon na papasok na, kasosyo ang isang kompanya mula China. Paano tayo makasisiguro na hindi rin sila nanuhol ng mga opisyal ng gobyerno, para makapasok sa bansa? Sigurado ba tayo na ang lahat ng mga kompanyang ito mula China ay maayos makipagnegosyo sa administrasyon? Nagtatanong lang ako, dahil sa nagaganap sa malalaking kompanya tulad ng Huawei at CEFC China Energy, kung saan ang kanilang matataas na opisyal ay lumalabag umano sa mga batas. Umaasa ako na maingat ang ating mga opisyal sa pakikinegosyo sa mga kompanya mula China, na sa ngayon ay malapit sa Pilipinas, dahil sa kagustuhan ni President Duterte. Napakaraming babala ang lumlalabas hinggil sa pagnegosyo sa mga kumpanya mula China.

PATRICK HO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with