EDITORYAL - Paano na ang BuCor?
(Pilipino Star Ngayon) - November 14, 2018 - 12:00am

WALA pang namumuno sa Bureau of Corrections (BuCor) sa kasalukuyan sa kabila na itinalaga na roon ni President Duterte noong nakaraang buwan si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon. Hindi makita ni anino ni Faeldon sa BuCor at mai-imagine kung ano ang mangyayari kung walang nagpapatakbo sa isang tanggapang nababalot din ng korapsiyon. Ayon sa report, mula nang italaga sa BuCor si Faeldon, hindi pa siya nagpapakita roon. Paano ngayon ang BuCor?

Makaraan ang kontrobersiya sa Bureau of Customs­ noong nakaraang taon kung saan nakalusot ang P6.4 bilyong halaga ng shabu, nagbitiw si Faeldon­. Nagkaroon ng imbestigasyon ang Senado ukol sa naipuslit na shabu pero wala ring nangyari at hanggang ngayon, hindi na malaman kung paano at sino ang may kagagawan sa pagpupuslit ng shabu. Ang malinaw, naikalat sa kalye ang sandamukal na shabu at marami nang sinirang buhay. Wala ni isa mang naparusahan sa pagkakapuslit ng shabu sa Customs. ‘‘Moro-moro’’ lang ang imbestigasyon ng Senado.

Makaraang magbitiw sa Customs si Faeldon, itinalaga siya ng Presidente sa Office of the Civil Defense (OCD) bilang deputy administrator for operations. Pero hindi pa nag-iinit ang puwit ni Faeldon sa OCD, inilipat muli siya ng Presidente sa BuCor kapalit ni Director Ronald dela Rosa. Nagbitiw si Dela Rosa sa BuCor para tumakbong senador sa 2019 elections. Si Dela Rosa ay dating PNP chief bago naging hepe ng BuCor.

Maraming nagulat sa pagkakatalaga kay Faeldon sa BuCor sapagkat masyadong mabigat ang responsibilidad doon na kasingbigat din ng Bureau of Customs. Nasa ilalim ng BuCor ang pamamahala sa New Bilibid Prisons (NBP) kung saan laganap ang illegal drugs. Maraming high-profile drug lords ang nakakulong doon na nakapagmi-maintain ng kanilang illegal drug business. Sa maikling panahon ni Dela Rosa sa BuCor, hindi nabanggit kung natigil na ang shabu operation sa NBP.

Nasaan na nga ba si Faeldon at hindi pa pinamumunuan ang BuCor? Bakit hindi pa siya nagre-report gayung kailangan na siya roon? Maraming naghaha­nap sa kanya kabilang ang Department of Justice na sumasakop sa BuCor. Walang makapagsabi kung nasaan siya. Tinatanggihan ba niya ang pagtatalaga sa kanya ng Presidente? Kung hindi niya gusto ang posisyon sa BuCor, dapat ipaalam niya sa taong nag­lagay sa kanya. Hindi niya dapat ibitin-bitin ang pag-upo sa isang tanggapang batbat din ng korapsiyon at kontrobersiya.

BUREAU OF CORRECTIONS NICANOR FAELDON
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with