Kalaboso dahil sa pinatay ng bayaw
IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - November 13, 2018 - 12:00am

ANG taong sangkot sa krimen ay damay din sa lahat ng magiging resulta nito lalo kung ito ay mas grabe sa kanyang binabalak. Kapag binalak lang niyang itago ang katawan ng inaakala niyang bangkay ng biktima, dawit pa rin siya bilang pangunahing akusado lalo kung mapapatuna-yan na kahit buhay pa ang biktima ay namatay din bandang huli nang ibaon ang bangkay. Pero maaari pa rin ba siyang makalusot sa pananagutan sa batas? Ito ang sasagutin sa kaso ni Marlon.

Nangyari ang insidente bandang 5:30 ng hapon. Nag-iinuman ang magkakapitbahay na sina Ben, Greg, Roy, Andy at Bert sa isang compound malapit sa bahay ni Louie. Sa kasagsagan ng inuman ay sumali sina Louie at Marlon. Pumunta sa likod bahay si Greg para umihi. Sinundan siya ni Louie pagkatapos ay narinig ng magbabarkada na sumigaw si Greg, “Huwag, huwag, tulungan niyo ako!”. Tumakbo sina Ben at Andy sa likuran ng bahay at nakitang nakadagan sa ibabaw ni Greg si Louie. Walang awa niyang sinasaksak ito habang patihayang nakahandusay sa may kanal. Nakiusap si Ben kay Roy na awatin ang kapatid samantalang tumakbo naman si Andy para humingi ng saklolo sa tatay ni Louie. Pumunta si Roy sa pinangyarihan ng krimen pero tumulong lang siya kina Louie at Marlon para buhatin ang katawan ni Greg sa kanal at itapon sa loob ng isang balon. Pagkatapos ay kumuha sila ng mga bato. Inihulog nila sa balon ang mga bato para tumama sa katawan ni Greg. Tinakot ni Roy si Ben na huwag magsusumbong kahit kanino at saka pa lang siya pinayagan na makauwi.

Nang makarating sa bahay ay nakonsensiya si Ben at ipinagtapat sa ina ang nangyari. Nagpunta siya sa bahay ng isang retiradong pulis na tumulong sa kanya para magreport sa presinto. Rumesponde ang ilang pulis at pumunta sa pinangyarihan ng krimen. Naaresto sina Louie at Marlon pero nakatakas si Roy. Pagkatapos ng masusing imbestigasyon ay kinasuhan sina Louie, Marlon at Roy ng murder dahil sa ginawang pagpatay. Pero dahil sa kakula-ngan ng pagkakilanlan ay binansagan lang si Roy na “John Doe”. Sa paglilitis ay naging testigo sina Ben, ang pulis at ang medico legal ng NBI tungkol sa mga pangyayari.

Itinanggi ni Marlon na naroon siya sa pinangyarihan ng krimen. Nasa bahay daw siya at nagbabantay sa anak na babaing maysakit dahil tinatawas ng kanyang biyenan. Kinampihan din siya ng misis at tumestigo rin para sa kanya. Ayon naman kay Louie, umalis siya may 30 minuto pagkaalis ni Marlon. Lumabas daw siya para umihi nang makita niya si Greg na namboboso sa kapatid niyang si Rose na noon ay nasa kuwarto. Lumapit daw si Greg at binigwasan siya kaya siya bumagsak. Pagbangon niya ay naglabas naman ng kutsilyo si Greg at inundayan siya ng saksak kaya napasigaw siya para humingi ng saklolo. Doon na raw dumating si Ben at kinuha ang kutsilyo kay Greg at sinaksak ito ng 10 beses habang patakbo si Greg sa balon. Kaya umuwi na lang daw siya at natulog. Kinaumagahan ay naroon na ang mga pulis at inaaresto siya.

Mas pinaniwalaan ng korte ang bersyon ng mga testigo ng prosekusyon at hinatulan sina Louie at Marlon ng murder. Ayon sa korte, ang ginawang pagbuhat at pagtapon ng katawan ni Greg sa balon pati paghahagis ng bato sa kanya habang naghihingalo pa ay malinaw na indikasyon ng sabwatan o conspiracy sa pagitan nina Louie, Marlon at ng hindi pa naaarestong “John Doe”. Sinamantala daw ng tatlo ang kanilang lakas para magawa ang krimen ng murder.

Sa kanyang pag-apela sa SC ay kinatwiran ni Marlon na nagkamali ang RTC sa pagdeklarang nagkuntsabahan sila sa pagpatay kay Greg. Tumulong lang naman daw siya sa pagtatago ng bangkay kaya dapat na ituring lang siya bilang isang “accessory” o dawit sa kaso.

Mali si Marlon ayon sa SC, kahit pa hindi niya alam na buhay pa si Greg nang itapon sa balon, dapat pa rin siyang managot sa lahat ng resulta ng ginawang krimen alinsunod sa Art. 4, par. 1 Revised Penal Code. Ayon sa awtopsiya, buhay pa si Greg nang ihagis sa loob ng balon ngunit nalunod si Greg at namatay kaya maaari pa ring kasuhan si Marlon ng homicide dahil kasama pa rin siya sa pagpatay kay Greg kahit hindi niya ito sinasadya.

Ngunit dalawa ang hadlang para tuluyang maparusahan sa krimen si Marlon. Una, napatunayan ng prosekusyon na walang kinalaman si Marlon sa pananaksak at si Louie lang ang gumawa nito. Ang naging partisipasyon lang ni Marlon ay sa pagtatapon ng katawan ni Greg sa balon na ikinamatay nito dahil sa pagkalunod.  Ang kaso ay tungkol sa pagpatay dahil sa pananaksak. Alinsunod sa ating Saligang Batas, kailangan na maipaliwanag sa akusado ang akusasyon laban sa kanya. Pangalawa, kung tumulong siya sa pagtatago ng krimen para lang huwag mabisto ang mga kasamahan, hindi na siya puwedeng paratangan bilang accessory sa kaso. Bayaw siya ni Louie at kasama sa tinatawag na “exempting circumstance” ang relasyon nila ayon sa Art. 20 ng Revised Penal Code. Dapat lang siyang mapawalang-sala samantalang si Louie ang mapaparusahan pero para lang sa krimen ng “homicide” at hindi murder dahil hindi rin naman napatunayan ang paggamit ng lakas para magawa ang krimen (People vs. Ortega, et. al., G.R. 116736, July 24, 1997).  

 

JOSE C. SISON
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with