Kabit pala si Atorni
IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - November 11, 2018 - 12:00am

UPANG matanggap bilang abogado sa Pilipinas, dapat ay may mabuting ugali o “good moral character” siya habang siya ay miyembro ng Bar o asosasyon ng mga abogado sa bansa. Walang malinaw na pamantayan kung ano ang itinuturing na grossly immoral conduct o kung anong grabeng aktuwasyon ang maituturing na sapat na dahilan para tanggalin ang isang tao sa pagiging abogado. May mga pag-uugaling maituturing na kakaiba pero hindi masasabing imoral para matanggalan ng lisensiya ang isang abogado. Ipaliliwanag ito sa kaso ni Annie.

Isang gradweyt ng abogasya si Annie at pitong taon na siyang abogada sa Pilipinas. Isang taon pa lang mula nang makapasa siya bilang abogada ay nakilala niya si Max. Intsik si Max at ang alam ni Annie ay binata ang lalaki pero may anak sa isang babaeng taga-Tsina bagaman hiwalay na sila. Pumayag si Annie na maging kasintahan ni Max at nagkaroon sila ng isang anak. Pagkatapos ng dalawang taon ay nagpakasal sila sa Amerika. Nang bumalik sila sa Pilipinas ay hindi pumisan si Annie kay Max dahil kasama niya sa iisang bahay ang mga anak. Gusto kasi nilang masanay ang mga bata sa sitwasyon nila bago sila magsama sa iisang bahay.

Pagkaraan ng isang taon, nagkaroon pa ulit ng anak na babae si Annie kay Max, na si Liana. Hindi nagtagal, pumunta na ulit sa Amerika si Annie. Paminsan-minsan ay bumabalik lang siya ng Pilipinas para ayusin ang lisensiya niya at upang hindi matigil ang trabaho niya bilang isang abogada. Nang minsang umuwi si Annie sa Pilipinas, nagulat siya nang komprontahin siya ng isang babaing nagngangalang Trina na asawa raw ni Max. Labimpitong taon daw silang kasal ni Max at may apat na anak. Nalaman ni Trina ang relasyon nina Annie at Max dahil inamin ni Max na pinakasalan din nito si Annie sa Amerika at nagkaroon sila ng dalawang anak na babae. Sinabi ni Max kay Trina na matagal nang tapos ang relasyon nila ni Annie. Labis na nasaktan sa panloloko ni Max si Annie kaya nag-alsa balutan siya at bumalik sa Amerika.

Pagkaraan ng dalawang taon ay bumalik si Annie sa Pilipinas at muling pumasok sa law office. Noon niya nalaman na nagsampa pala ng reklamo si Trina sa Commission on Bar Discipline (CBD) ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) para matanggalan siya ng lisensiya bilang abogado dahil sa relasyon nila ni Max sa kabila ng pagmamakaawa niya na maghiwalay na sila. Kinasuhan pa rin ni Trina ng concubinage ang dalawa sa piskalya. Pero ibinasura ng piskal ang kaso dahil patuloy naman na nagsama sa iisang bahay sina Trina at Max kahit pa may relasyon kuno ang lalaki kay Annie. Hindi sila nagsama bilang mag-asawa na isa sa pinakamahalagang elemento ng krimen ng concubinage. Pinaboran ito ng Department of Justice (DOJ) at hindi na kinuwestiyon.

Sa disbarment proceedings naman, nagsumite ng mosyon si Trina para maparusahan ng contempt si Annie dahil daw sa ginawang pagpeke ng petsa ng kasal na pinaaga niya ng dalawang taon kaysa sa nakalagay sa totoong kasamiyento ng kasal. Sagot naman ni Annie, ang dokumento ay binigay lang sa kanya ni Max at inakala ngang hindi palsipikado ito. Hindi raw niya alam na kasal na si Max.

Tungkol naman sa mismong kaso ng disbarment, sinabi ni Annie na pinasok niya ang relasyon na may malinis na kunsensiya o “in good faith”. Hindi raw matatawag na kahiya-hiya o immoral ang kanyang ginawa. Ang tanging kasalanan niya ay minahal niya si Max at naniwala siya na binata pa ang lalaki. Nang malaman daw niya na kasal na si Max ay agad naman niyang pinutol ang relasyon nila.

Binasura ng IBP Board of Governors and kaso laban kay Annie. Sinita lang siya tungkol sa ginawa niyang pagkakabit ng palsipikadong marriage certificate bilang kanyang ebidensiya at binalaan na mas mabigat na ang susunod niyang parusa kapag inulit pa niya ito.

Sumang-ayon ang Supreme Court sa rekomendasyon ng IBP Board na binabasura ang kaso laban kay Annie. Ayon sa SC, kahit pa may mga sirkumstansiya na nagpapakita na nagpabaya si Annie sa kanyang personal na buhay, hindi pa rin maituturing na immoral siya dahil hindi naman niya alam na kasal na si Max. Ang buong akala niya ay kasal silang dalawa. Ang imoralidad ay kawalan ng pakialam sa mga panuntunan ng lipunan o sa opinyon ng mga respetadong miyembro ng komunidad. Para maparusahan, kailangan na matindi ang ginawang kalokohan at ipinakikita na wala na talagang kinikilalang prinsipyo ang isang abogado at maituturing na isang krimen na ang kanyang ginawa. Ang ginawa ni Annie na agad na lumayo kay Max nang malaman na kasal na ang lalaki ay taliwas sa sinasabing kawalan ng moralidad at malinaw na hindi niya tinatalikuran ang batas at may mataas pa rin na pagkilala sa kanyang propesyon bilang abogado. Tama lang na ibasura ang kaso ng disbarment dahil walang halaga naman ang mga paratang ni Trina.

Pero ang palusot ni Annie tungkol sa kasamiyento ng kasal na kinabit sa kanyang sagot ay mahirap paniwalaan. Kahit sinong babaing kinasal ay siguradong matatandaan ang petsa at taon ng isang importanteng okasyon tulad ng kanyang kasal. Taliwas sa asal ng isang ordinaryong tao ang kanyang ginawa. Parang napakahirap paniwalaan na makakalimutan ng isang babaing abogado na tulad niya, ang taon ng kanyang kasal. Bukod dito ay pag-aaralang mabuti ng kahit sinong abogado ang impormasyon na kanyang isasama sa kanyang sagot lalo at mga personal na detalye nito.  Mahirap paniwalaan ang depensa ni Annie na “good faith” sa harap ng pagpapalit niya ng petsa sa marriage contract. Tama lang na sitahin si Annie sa kanyang ginawa at bigyan ng mas mabigat na parusa sa susunod (Ul vs. Bonifacio, A.C. 3319, June 8, 2000).

ATTY. JOSE C. SISON
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with