Tinodas ng tauhan
IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - October 30, 2018 - 12:00am

MINSAN may suspek na nahuhuli at nangungumpisal agad habang iniimbestigahan ng pulis. Inaamin din ng suspek sa publiko ang kaniyang nagawa habang iniinterbyu siya ng media pero sa paglilitis ng kaso ay big­lang magbabago ang isip at babawiin ang pag-amin. May silbi nga ba ang kanyang pag-amin? Magagamit pa rin ba ito bilang ebidensiya? Ito ang sasagutin sa kaso ni Leonard.

Si Leonard ay isang pinagkakatiwalaang tauhan ni Tony, may-ari at manedyer ng isang pabrika ng plastik­. Isang umaga ay dumating si Tony para tingnan ang ma­kina ng tubig ng pabrika ng plastik na katabi ng pabrika ng mga gripo nang biglang sumulpot si Leonard at hinampas ni Leonard ng kapirasong kahoy si Tony sa ulo na nagpabagsak dito sa sahig. Pagkatapos ay pinagputul-putol ni Leonard ang katawan ni Tony gamit ang lagari. Nilinis niya ang dugong kumalat sa sahig gamit ang plastic foam. 

Kinatanghalian ay sumilip siya sa pagitan ng pader ng dalawang pabrika at inamin niya sa guwardiyang nakatalaga sa kabilang pabrika, na si Rod ang pagpatay niya kay Tony. Nagpatulong pa siya para buhatin ang bangkay at dalhin ito sa basurahan para sunugin. Sa kabila ng pagkabigla, dali-dali pa rin tumawag si Rod ng mga pulis para humingi ng tulong at upang hindi makatakas si Leonard. Pagkalipas ng 10 minuto ay dumating ang mga pulis sa pinangyarihan ng krimen sa pamumuno ni SPO1 Morabe kasama ang official police photographer.

Nakakandado ang gate ng pabrika pero sinabihan ni Rod ang mga pulis na nasa loob si Leonard kaya inutusan nila si Leonard na buksan ang gate na sinunod naman nito. Pagpasok ng mga pulis sa loob ay kusa siyang sumuko at itinuro pa nga ang tumpok ng mga karton kung saan nakalagay ang pira-pirasong katawan ni Tony.

Dinala ng mga pulis si Leonard sa istasyon ng pulis at gumawa siya ng salaysay kung saan inamin niya ang kanyang ginawa kahit hindi pa siya sinabihan tungkol sa karapatan niya sa ilalim ng Saligang Batas at walang tulong ng abogado. Isang NBI medico-legal ang sumuri sa bangkay ni Tony. Nahindik ang buong bansa sa nangyaring krimen kaya dalawang reporter ang nag-interbyu kay Leonard at inamin niya ang kanyang ginawa nang hindi man lang nagdalawang-isip.

Sa paglilitis, “guilty” ang kanyang unang pahayag sa korte pero binawi rin niya ito. Itinuloy ang kaso laban kay Leonard at ang tumestigo para sa prosekusyon ay si Rod. Kinuwento ni Rod kung paano ginawa ni Leonard ang krimen pati na ang paghingi nito ng tulong sa pagdispatsa ng bangkay. Tumestigo rin si SPO1 Morabe tungkol sa paghuli nila kay Leonard at ang pag-amin na ginawa. Kinumpirma din ng medico-legal ang kanyang report.

Tahasang itinanggi ni Leonard ang ginawa at sinabing biktima lang siya ng frame-up ng mga pulis. Mahigit isang taon na raw siyang nagtatrabaho kay Tony at nagpaiwan siya kahit pa umalis na lahat ang mga dating kasamahan dahil sa pagmamaltrato ng amo.

Nag-overtime daw siya noong nagdaang gabi at nakatulog sa pag-aantay sa pagdating ni Tony.  Nagising daw siya nang marinig niya na may tumatawag sa kanya. Nakita raw niya ang mga armadong lalaki sa labas ng gate na gustong pumasok sa loob ng pabrika binuksan nito at basta na lang siya inaresto, nilagyan ng posas at dinala sa presinto. Naghalughog din daw ang mga lalaki at bumalik na may hawak na sako at mga karton. Sa presinto raw ay pinaamin sa kanya ang krimen, tinuruan tungkol sa sasabihin at pinaharap sa media.

Hindi pinaniwalaan ng korte ang bersiyon ni Leonard at hinatulan siyang may sala ng murder. Kamatayan sa pamamagitan ng silya elektrika ang parusa at pinagbabayad ng danyos pati attorney’s fees.

Nang awtomatikong umakyat ang kaso sa SC ay kinatwiran ni Leonard na hindi magagamit ang kanyang pag-amin dahil sa kakulangan ng kondisyones ng Saligang Batas lalo na at wala siyang abogado. Kaya dapat lang siyang mapawalang-sala.

Ayon sa SC, kahit pa hindi katanggap-tanggap ang kanyang pag-amin habang iniimbestigahan ng mga pulis, sapat pa rin ang ibang ebidensiya ng prosekusyon para siya mahatulang may sala. Tumestigo si Rod tungkol sa ginawang pag-amin ni Leonard sa pagpatay pati paghingi niya ng tulong sa pagdispatsa ng bangkay ng amo at hindi ito itinanggi ni Leonard. Isa pa, kusang-loob na nagpa-interbyu si Leonard sa dalawang reporter at paulit-ulit na inamin ang ginawa niya. May mga detalye pa nga sa krimen na siya na mismo ang nagpaliwanag. Boluntaryo at tinatanggap itong ebidensiya sa korte.

Ang pagtanggi ni Leonard sa harap ng korte ay walang kuwenta kumpara sa pinagsama-samang ebidensiya ng prosekusyon tulad ng testimonya ni Rod, ang pag-amin niya sa TV, ang pagkakuha ng lagaring ginamit sa pagpatay, ang pagsusuri ng medico-legal at ang salaysay ng mga pulis na puro nagtuturo kay Leonard bilang salarin. Dahil pinagputul-putol pa niya ang katawan ni Tony, murder talaga ang krimeng ginawa niya pero hindi ng death penalty kundi reclusion perpetua lamang ang parusa dahil walang nakitang aggravating o mitigating circumstance sa kaso (People vs. Guillermo, G.R. 147786, Jan. 20, 2004)

CRIME
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with