Ekonomiya: wala nang pigil sa pagbalandra
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - October 12, 2018 - 12:00am

TUWING may bagong administrasyon ay may ibayong pag-asa. Kaya napakataas ng ratings ng mga mamumuhunan sa ekonomiya ng Pilipinas nu’ng kapapasok pa lang ni President Duterte nu’ng 2016.

Pero hindi nagtagal, nag-alala ang mga negosyante. Gabi-gabi sa mga lungsod ay may napapatay sa drug raids at buy-bust ng pulisya -- mga nanlaban umano na drug pushers. Tapos, pinagmumura ni Duterte ang mga pinuno ng America, Canada, Europe, at Australia. Kinabahan ang mga dayuhang investors. Baka raw sila ang maipit sa madugong war on drugs. Nangamba rin silang mapag-initan bilang mga kababayan ng mga minumura ng Presidente. Kinailangan pang makiusap ni Economic Planning Sec. Ernesto Pernia na bawasan ni Duterte ang masasamang salita. Kahit paano ay nag-expand ang mga negosyo at nagkatrabaho ang mga manggagawa.

Buong 2017 pribadong sektor lang ang tumulak sa ekonomiya. Matumal ang gobyerno sa pagpapatupad ng infrastructures. Sa budget na P610 bilyon ng Department of Public Works and Highways, ikatlo lamang o P222 bilyon ang nagasta sa roadworks, ulat ng Commission on Audit. Sa 159 planong sea at airports, riles, atbp. ng Dept. of Transport, 153 ang atrasado at hindi man lang nasimulan. Nagresulta ito sa matumal na kabuhayan. Buti na lang ay umusad ang mga pribadong proyekto.

Tapos, binulilyaso ng National Food Authority (NFA) ang supply ng bigas. Enero 2018, biglang naubos ang murang variety na P27 lang kada kilo. Sumipa ang commercial varieties nang hanggang P50 kada kilo. Sinaba­yan pa ito ng bagong buwis sa langis at gasolina. At binayo pa ng sunud-sunod na bagyo ang mga taniman. Tumaas ang presyo ng pagkain at transportasyon. Isinisi ng gobyerno lahat sa pagtaas ng presyo ng krudo sa mundo at sa trade wars ng America at China. Taas-sahod imbis na babang-presyo ang isinusulong ngayon. Lalo lang mamahal ang bilihin. Wala nang awat ang pagbalandra ng ekonomiya.

RODRIGO DUTERTE
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with