May trabaho nga,  pero kapos sahod
May trabaho nga, pero kapos sahod
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - October 8, 2018 - 12:00am

BAHAGYANG bumaba ang unemployment, 5.4% ngayon mula sa dating 5.6%. Nagkaroon umano ng 113,000 bagong trabaho sa agrikultura, mula sa pagbawas ng 723,000 nu’ng Abril at mahigit isang milyon nu’ng 2017. Dumami rin nang 114,000 trabaho sa mga pabrika, na ibig sabihin ay patuloy na sumisigla ang sektor. At dumagsa ang 281 bagong hanapbuhay sa services, mula sa munting magtataho hanggang sa mga magaling na bankero at doktor.

Sa kabila nu’n, ayon sa sarbey, tumaas nang 25% ang mga kulang umano sa trabaho at suweldo. Sila ang mga sales­girls, serbidora, at kasambahay na pana-panahon lang ang empleyo, at malimit mabiktima ng “endo” (end of contract). Dati nang 25% ng 40 milyong labor force, o 10 mil­yong empleyado, ang underemployed. Kung nadagdagan sila nang 25%, ibig sabihin ay 2.5 milyon pang dumami ang kapos-sahod.

Nagpapalusot ang mga government economic managers na kesyo tumaas ang sahod nang 8.7% nu’ng simula ng taon. Kaya, anila, miski sumipa nang 6.4% inflation ang presyo ng mga bilihin ay lamang pa rin umano nang 2.3% ang mga manggagawa. Mali sila. Ang pagtaas ng sahod ay para makahabol sa inflation nu’ng nakaraang tatlong taon. Samakatuwid, pantawid ‘yon sa dati nang pagtaas ng halaga ng pagkain, damit, pasahe, at iba pa. Kung tumaas pa lalo ngayon ang inflation, kumakain ito sa dati pa ring kapiranggot na kinikita ng karamihan.

Pinaka-mabuti na harapin ng gobyerno ang totoong pa­ngangailangan ng mamamayan. Sapat na sahod ang dapat, para mabuhay nang matiwasay at malusog. Murang mga bilihin, para matamasa nila ang biyayang pinaghirapan. Tulong sa kalusugan, para patuloy silang makapag-hanapbuhay at mag-aral. At kapayapaan para makapag-pahinga at liwaliw.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

AGRIKULTURA UNEMPLOYMENT
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with