Pigilang mag-viral ang fake news
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - September 14, 2018 - 12:00am

ISANG hapon dalawang dekada na ang lumipas umuwing umiiyak ang milyong estudyante ng mga Katolikong paaralan sa Pilipinas. Kumalat kasi sa pekeng text na namatay na si Pope John Paul II. Ang laki ng kinita ng telcos sa maghapong pagkalat ng maling text sa pamamagitan ng P1-forward.

Tatlong araw bago ang Halalan 2016 sa America kumalat sa Facebook na pinatay umano ang misis at FBI agent na nag-imbestiga sa katiwalian ni Hillary Clinton. Nang matalo na sa halalan si Clinton, napatunayang peke ang balita. Isa pala ito sa 360,000 maling posts na itinanim ng Russia sa social media, na nabasa ng 60% ng botanteng Amerikano. Kayang wasakin ng masamang bansa ang demokrasya.

Sa India mula nu’ng 2017 ay 32 lalaki na ang kinuyog hanggang mamatay dahil sa maling paratang ng pagkidnap at pagmolestiya sa mga bata. Basta’t pinaniwalaan na lang ng mga mangmang ang mga pekeng video messages. Nagamit din ang instant messaging para sa karahasang relihiyon at tribu-tribo.

Kumilos ang gobyerno ng India. Dahil karamihan sa pekeng posts ay kumalat sa pamamagitan ng WhatsApp, pinalimita sa online message app sa hanggang limang fowards lang ang magawa ng subscribers.

Nagkusa na rin ang WhatsApp. Sa buong mundo ba­hag­­yang pinahirap ang pag-forward. Dinagdagan nang dalawang click ang proseso. Nilimita ang forwards hanggang 20 na lang, mula sa dating 120.

Inaasahang tutulad sa WhatsApp ang ibang social media. Batid na ng madla ang masamang epekto ng fake news sa mga mangmang, lalo na’t sinasadya itong ikalat ng mga malisyosong trolls at propagandista.

Dapat nga naman ibalik sa mundo ang mga dating tamang ugali. Pakaisipin muna ang gagawin. Bumilang hanggang sampu bago magalit. Itulog muna ang malalaking desisyon. Kumbaga sa mga Kristiyano, i-pray over muna. Maraming napapahamak sa padalus-dalos na texting.

FAKE NEWS
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with