Salamat sa kakulitan ni Margielyn
REPORT CARD - Ernesto P. Maceda Jr. (Pilipino Star Ngayon) - September 14, 2018 - 12:00am

SINO ang hindi natuwa sa palitan nina President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) at ang break out star ng Philippine Asian Games contingent na si Margielyn Didal? Si Didal ang ating gold medalist sa street skateboarding. Dahil teenager pa, hindi ito nabulag sa kinang ng katanyagan. Noon pa lamang sa Indonesia, nakita na natin sa social media at sa news reports na itong si Didal ay masigla at walang patumangging nagpapasimuno ng mga biruan at kasiyahan. Malaki ang ambag ng ganitong ugali – napapagaan ang loob ng mga kasamahan at nagiging daan upang lalong magkaroon ng team work at team spirit ang lahat.

Nauna nang magpamalas ito ng “kakulitan” nang bigyan siya ng karangalang maging flag bearer sa closing ceremonies. Ganoon muli sa pagbisita ng Asian Games medalists sa Senado. Sa mga pagkakataong ito, ang naging trademark na palabas ni Didal ay ang pag-udyok sa lahat na gawin ang DAB – ang uso ngayong galaw na kapwa braso ay nakaturo sa kaliwa habang ang ulo ay nakayukong paka­nan. Naudyok nito ang mga Senador sa pangunguna ni Sen. Sonny Angara na magposing na naka-DAB.

Kung kaya nang mapunta ito sa Malacañang ay hini­ngan din mismong si President Digong na mag-DAB – ito ang kuha at video na napanood natin kahapon. Nung una ay kinabahan tayo sa magiging reaksiyon ng Presidente. Kung tutuusin ay bawal ito sa protocol – dapat ay seryoso lagi ang mga engkuwentro ng mamamayan sa ating Presidente. Kung ito’y pagagaanin ang mood, dapat ay hintaying sa Presidente manggaling. Siyempre, hindi ito hinintay ni Margie – siya uli ang nagpasimuno. At, sa pagkagulat ng lahat, pinagbigyan naman ito ng game na game na Presidente.

Ang ganitong pakita ng Presidente ay lalong nagpapa­lapit sa kanya sa tao. Sa kanyang strong man na imahe, pag nakita mong ok siyang makipagbiruan, lalo na sa kabataan, mas mararamdaman mo ang koneksiyon sa kanya bilang kababayan. Salamat sa kakulitan ni Margie. Ikaw na talaga ang gold medalist! 

RODRIGO ROA DUTERTE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with