Ekonomiya natutulog, baliktad ng sabi-sabi
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - August 10, 2018 - 12:00am

“ATUPAGIN mo na lang ang ekonomiya,” banat ni VP Leni Robredo nang sabihan ni President Rody Duterte na bobo siya sa gawaing gobyerno. Sabat naman agad ng presidential spokesman na wala naman problema sa ekonomiya.

Pero tila hindi naniniwala si Duterte sa sabi-sabi ng mga tauhan niya. Tulad ni Robredo, umiikot siya sa mga probinsiya at dinidinig ang hinaing ng mamamayan. Kaya dinamdam niya kamakailan na natutulog ang kabuhayan sa kanayunan. Walang hanapbuhay. Taliwas ito sa estadistika ng economic managers niya na sumipa lahat ng rehiyon nu’ng 2017, kumpara 2015. Maari “umunlad” dahil kumita ang ilang malalaking kumpanya, habang patak lang ang sa masa. Nangyari ‘yan nu’ng termino ni Noynoy Aquino. Kung may trabaho ang tao, hindi gaano masakit sa bulsa ang pagtaas ng presyo ng bilihin.

Pruweba ng pagtulog ng ekonomiya ang mga ulat ng Commission on Audit. Nabara sa burokrasya ang dalawa­ sa bawat tatlong proyekto ng Dept. of Public Works and Highways (DPWH). Halos P222.7 bilyon, o 34% lang ang nagasta nu’ng 2017, mula sa P662.7 bilyong laan sa pag­gawa ng kalye, tulay, atbp. Pinagsabihan tuloy ni Du­terte si Sec. Mark Villar.

Mas malala sa Dept. of Transport. Nu’ng 2017, atra­sado ang 153 sa 159 proyekto -- halagang P46.6 bilyon. Dahil ‘yon sa mabagal na desisyon at pabago-bagong patakaran. Ilan du’n ang plaka ng sasakyan, bus rapid transit, Light Rail Transit extension, at pagpapalaki ng mga paliparan. Puro salita lang ang “Build, Build, Build” ni Sec. Arthur Tugade.

Aba’y anim lang sa 75 malalaking imprastruktura na ibinibida mula 2016 ang sisimulan na sa wakas. Ito’y dalawang tulay sa Maynila, Makati, at Panguil Bay; irigasyon mula Chico River sa Northern Luzon; bagong terminal sa Clark Airport, Pampanga; at tren sa Davao. Konti!

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

LENI ROBREDO
  • Latest
Latest