Right-of-way scam sino’ng mastermind?
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - June 15, 2018 - 12:00am

NAPAKA-LAWAK ng land scam na ito. Ilang ahensiya ng gob­yerno ang sakop. Tatlong rehiyon sa Mindanao ang saklaw­. Dose-dosenang pekeng titulo ang sangkot. Tatlong taon isinagawa. Tiyak may mastermind sa likod nito. Sino siya? ‘Yan ang inuungkat nina Senador Dick Gordon at Manny Pacquiao, mga hepe ng Blue Ribbon at public works committees.

Dinaanan ng highway constructions ang mga pribadong lupa. Karamiha’y taniman, tig-P50 kada metro kwadrado. Pi­nak­yaw sila ng consolidators nu’ng 2012. Pineke ang area at halaga. Binayaran P8.7 bilyon ng Dept. of Public Works & Highways nu’ng 2013-2014. Ang DPWH budget nitong 2018 para sa right-of-way expropriations ay P18 bilyon. Naisagawa ito sa tulong ng Land Registration Authority, Bureau of Internal Revenue, local assessors at treasurers, Dept. of Budget and Management, at Commission on Audit.

Sa General Santos City pa lang, kung taga-saan si Pacquiao, P2.2 bilyon na ang nakulimbat. Magkaka-kilala sila roon, ani Pacquiao. Pero nang repasuhin niya ang listahan ng mga nagbenta ng lupa, merong 20 magkakaratig na estranghero. At kataka-taka, parehong-pareho ang area ng mga lote nila: tig-713 metro kuwadrado. Binayaran sila ng kabuoang P255.5 milyon, o tig-P12.76 milyon. Apatnapu pa ang nakakuha ng tig-P30 milyon, para sa mga lote na mas malaki lang nang konti. Overpriced!

Garapalang isinagawa ang land scam habang iniimbestigahan ng Senado ang katulad na iregularidad sa General Santos nu’ng 2014. Binili noon ng isang malaking Chinese Filipino businessman ang 750 ektaryang lupain sa tabi ng airport. Pinatititulohan niya sa city hall. Natuklasan na ang lupa ay pastulan, pag-aari ng Dept. of Environment & Natural Resources. Inuupahan ang 700 ektarya ng isang pribadong kompanya.

Nagbabala si Gordon na masisira ang tiwala ng madla sa Torrens titling. Mawawasak ang real estate at leasing industry. Matatakot mamuhunan sa Pilipinas ang mga dayuhan. Patay ang ekonomiya.

BLUE RIBBON DICK GORDON MANNY PACQUIAO
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with