Fernandez ipagbabawal ang mga ‘uzi’ sa training ni Pacquiao
MANILA, Philippines — Hangga’t maaari ay gustong limitahan ni Buboy Fernandez, ang chief trainer ngayon ni Manny Pacquiao, ang pagpasok ng mga boxing fans sa gym.
Mula sa General Santos City ay ililipat ang training camp ni Pacquiao sa Maynila sa paghahanda sa paghahamon kay WBA welterweight champion Lucas Matthysse sa Hulyo 15 sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Inamin ni Fernandez, pumalit kay Freddie Roach, na mahirap pigilan ang mga fans ni Pacquiao sa pagsugod sa gym.
May mga pagkakataon na ang gym ay nagiging fans’ day dahil sa rami ng mga fans ni Pacquiao habang nagpapapawis ang Filipino boxing icon sa heavy bag o sa speed ball o sa skipping ropes.
“Ang hirap pag masyadong maraming tao sa gym,” wika ni Fernandez.
Ilang linggo nang nag-eensayo si Pacquiao sa Wild Card Gym sa GenSan at nakatakdang lumipat sa Elorde Gym malapit sa Mall of Asia sa Pasay City.
Magbabalik ang sesyon ng Senado sa Hunyo 1 kaya may panahon pa si Pacquiao para ilipat ang kanyang training camp.
Magkakaroon naman ng break ang Senado mula sa Hunyo 2 hanggang Hulyo 22 na magbibigay kay Pacquiao ng sapat na panahon para magsanay.
Ayon kay Fernandez, sa Manila nila itotodo ni Pacquiao ang kanilang ensayo.
“Sana maintindihan nila. Sasabihin ko talaga kay brod (Pacquiao) na i-limit ang guests sa gym,” wika ni Fernandez.
Ang mga kaibigan ni Pacquiao ay mula sa pulitika, sports, business at show business.
“Importante ang fight na ito,” sabi pa ni Fernandez.
“Ang pakiusap ko lang ay pabayaan natin si brod mag-train ng maayos. Then after training, pwede na silang pumasok,” dagdag pa nito.
- Latest