Lahat merong trabaho? Paano matutupad ‘yon?
KAHABAG-HABAG ang sitwasyon ng manggagawang Pilipino. Sa 70 milyong nasa edad-15-pataas, 3.71 milyon (5.3%) ang walang trabaho. At isa sa bawat apat na may trabaho, o 17 milyon ay hindi sapat ang sahod. Ang pinagsamang unemployed na 3.71 milyon, at underemployed na 17 milyon -- o kabuoang 21 milyon -- ang biktima ng “endo”, o end of contract. Ineempleyo sila nang temporary o probationary -- mababang sahod, mahabang oras ng trabaho, at walang benepisyo; kapag malapit nang mag-anim na buwan, at dapat nang gawing permanent o regular, sinisibak sila at pinag-a-apply muli makalipas ang ilang buwan. Parang basahan na itinatapon matapos gamitin.
Ilinahad ko nu’ng Araw ng Paggawa ang ganap na solusyon sa “endo” -- ang full employment. Merong law of supply and demand sa labor. Kung mas maraming job vacancies kaysa empleyado, hindi magle-layoff ang mga employers. Kabaliktaran, magtataas sila ng sahod, gagandahan ang benepisyo, at iiksian ang oras ng trabaho para manatili ang mga empleyado.
Paano magkaka-fulll employment? Maraming kondisyones ang dapat magsama-sama: (1) Matinong opisyales na nagsisilbi sa kapakanan ng mamamayan, hindi ng sarili. Kasama na diyan, walang political dynasties -- ang unang pruweba ng pagka-makasarili dahil iniisip nila na sila lang ang maaring mamuno. (2) Makabulohang edukasyon. Ang curriculum ay para maging buo ang indibidwal sa sining at agham, pero espesyalista sa linya na mapapakinabangan sa hanapbuhay. (3) Industriyalisasyon at teknolohiya. Magtatag ng industriyang steel o bakal at ng info-tech, na magbubunsod ng iba pang industriya tulad ng kagamitan, robots, at Internet-based. (4) Kaayusan. Dapat umiiral ang batas, protektado ang talino at puhunan, kalusugan at kalikasan, atbp. (5) Kalayaan at pagka-pantay-pantay. Malayang mag-isip at magpahayag ang mamamayan, garantisado na lahat ay maari umasenso.
- Latest