EDITORYAL - Patuloy na protektahan ang OFWs sa Kuwait
(Pilipino Star Ngayon) - April 26, 2018 - 12:00am

NAGKAROON ng kontrobersiya noong Sabado sa Kuwait makaraang magkaroon ng rescue mission ang mga tauhan ng Philippine Embassy sa dalawang Pinay maids na minamaltrato ng amo nito. Lalo pang lumala ang sitwasyon nang i-released ng Philippine Embassy ang video kung saan ay nananawagan ang embassy official sa mga Pinay domestic helpers na layasan na ang kanilang mga amo at umuwi na lamang sa Pilipinas. Naging viral ang video na nagdulot ng pagkagalit sa Kuwaitis kaya sumugod sa embahada ng Pilipinas at nagdemand na irespeto ang soberenya ng kanilang bansa. Hiniling din ng Kuwaiti protesters na patalsikin si Philippine Ambassador Renato Pedro Villa.

Humingi na ng apology ang gobyerno ng Pilipinas sa Kuwait sa nangyaring kontrobersiya pero nanindigan pa rin na gagawin nila ang tungkulin para mailigtas ang mga kababayang maids na minamaltrato. Sabi ni Foreign Affairs Sec. Alan Peter Ca­yetano na magpapadala uli siya ng ikalawang sulat ng apology sa Kuwaiti government. Humingi na rin ng apology si Ambassador Villa ukol sa nangyari.

Nasa bingit ng panganib ang mga ire-rescue na maids kaya ginawa iyon ng mga tauhan ng em­bassy ng Pilipinas. Maaari bang pabayaan kung nasa pa­nganib ang kababayan? Maski sino kung nakikita na minamaltrato at sinasaktan ang kababayan, ang unang reaksiyon ay tulungan ito. Hindi maaaring balewalain lalo’t buhay ang nakataya. Sabi ni Caye­tano, ang rescue mission ng embahada ay ginawa sapagkat talagang nasa panganib ang Pinay maids.

Nakahingi na ng paumanhin ang Pilipinas sa Kuwait kaya tapos na ang isyu pero hindi naman dapat matapos doon ang tungkulin para maprotektahan ang mga kababayang pinahihirapan at sinasaktan. Sariwa pa ang nangyari kay Joanna Demafelis na pinatay ng kanyang mga amo at saka inilagay ang bangkay sa freezer.

Ito ang iniiwasang mangyari ng pamahalaan ng Pilipinas kaya ginagawa ang paraan para maprotektahan ang OFWs sa Kuwait. Mas maganda kung permanenteng huwag nang magpadala ng DHs sa Kuwait. Kawawa ang kalagayan ng mga ito.

PHILIPPINE EMBASSY PINAY MAIDS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with