EDITORYAL - Sinisira ng mga plastik
(Pilipino Star Ngayon) - April 24, 2018 - 12:00am

NOONG Linggo ay ginunita ang Earth Day. Sa taong ito, nakapokus ang buong mundo sa problema ng plastic pollution. Hindi lamang dito sa Pilipinas pinuproblema ang plastic pollution kundi sa buong mundo na. Bawat baybaying dagat nang maraming bansa ay namumulaklak sa sari-saring plastic na bagay na itinapon ng mga ires­ponsableng mamamayan. Walang pakundangan ang pagtatapon ng mga plastic. Sa isang pag-aaral, tinata­yang 437 million hanggang 8.3 billion plastics ang inaanod sa mga baybayin o coastline sa buong mundo. Sa baybaying dagat ng America, 7.5 million plastics ang nakakalat.

Pandaigdig na ang problema sa mga basurang plastic kaya marami ang nananawagan na ang bawat bansa ay magdeklara ng paglaban sa plastic pollution. Ipagbawal na ang paggamit ng plastic na sumisira sa kapaligiran.

Ang Pilipinas ay ikatlo sa mga bansang may pinakamalaking sources ng plastic pollution sa mundo. Nangunguna ang China at pumapanga­lawa ang Indonesia. Sumali naman ang Pilipinas sa pana­wagan at nangakong lalabanan ang plastic pollution. Sabi ni Environment Secretary Roy Cimatu sa kanyang State of the Environment Address, tapos na ang araw ng mga nagbubulag-bulagan at gumagawa ng krimen laban sa Inang Kalikasan. Ang pag-abuso sa kalikasan ay tutuldukan na sapagkat mahigpit nang ipatutupad ang environ­mental laws, rules, regulations at ordinances.

Nataon naman ang paggunita sa Earth Day sa malapit nang isarang Boracay dahil sa pagiging marumi. Sa Huwebes ay isasara na ang Boracay para magsagawa ng paglilinis. Una nang sinabi ni President Duterte na “cesspool” ang Boracay. Maraming establishments ang binaboy ang island resort. Maraming lumabag sa environmental laws. Lahat nang dumi mula sa establishments ay iniluluwa sa dagat.

Ngayong nananawagan na ang Pilipinas sa pagbabawal sa paggamit ng mga plastic, dapat magpakita ng halimbawa. Magkaroon nang kamay na bakal sa mga iresponsableng mamamayan na walang pakundangan kung magtapon ng plastic sa mga kanal at estero. Huwag nang patawarin ang mga sumasalaula sa kapaligiran.

EARTH DAY
Philstar
  • Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with