EDITORYAL - Regular na police patrol, kailangan
(Pilipino Star Ngayon) - February 26, 2018 - 12:00am

MINSAN meron, minsan wala ang police patrol. At mas madalas na wala lalo sa gabi na kailangan ng mamamayan ang proteksiyon. At kung tatawagan naman ang police hotline number, mabagal rumesponde. Nakatakas na ang mga salarin bago makarating ang mga parak.

Noong Biyernes ng umaga, dakong alas diyes, isang ambush ang naganap sa kanto ng Solis at Antipolo Streets sa Tondo, Manila. Isang SUV ang tinambangan ng apat na suspect. Namatay ang isa sa sakay ng SUV samantalang sugatan ang isa pa. Nakatakas ang mga suspect. Ang mga biktima ay mga opisyal ng barangay.

Walang nakarespondeng pulis sa lugar ng ambush kahit ilang hakbang lang ang police community precinct (PCP). Dito makikita na hindi totoo ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Ronald dela Rosa at NCRPO chief Director Oscar Albayalde na nagpapatrulya ang mga pulis. Kung mayroong mga pulis na rumesponde sa ambush, maaaring nahuli ang mga suspect o napatay ang mga ito dahil sa pakikipagbarilan. Dumating lamang ang mga pulis nang nadala na sa ospital ang mga biktima.

Araw naganap ang ambush at walang nakares­ponde. Paano pa kung sa gabi naganap e di lalo nang walang nakadalo. Dapat ipatupad ng PNP ang mabilisang pagresponde para naman hindi maging katawa-tawa sa mga masasamang loob. Kayang-kaya silang paglalangan ng mga masasamang loob.

Ilang linggo na ang nakararaan, nagsagawa ng pagsasanay si Albayalde kung gaano kabilis makakaresponde ang mga pulis sa nangyayaring krimen. Bagsak ang mga pulis. Late nang dumating at hindi maitago ng NCRPO chief ang pagkadismaya. Bigum­bigo siya sa performance ng mga pulis.

Si Albayalde rin ang nakahuli sa mga pulis-tulog sa Parañaque, Pasay, Caloocan at Quezon City ilang linggo na ang nakararaan. Bukod sa pagtulog, nahuli rin niyang umiinom ng alak ang mga pulis at kanilang hepe sa presinto. 

Laganap ang street crimes at makupad ang mga pulis na makaresponde. Kung kailan sila dinagdagan ng suweldo, saka naging tamad. Dapat magkaroon ng regular na police patrol para napuprotektahan ang mamamayan. Mas napapanatag sila kung may pulis na nagbabantay.

Philstar
Facebook
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with