Tinanggalan ng boses
REPORT CARD - Ernesto P. Maceda Jr. (Pilipino Star Ngayon) - February 14, 2018 - 12:00am

NAGING palaisipan ang inilabas na order ng Ombudsman noong Lunes na hindi lamang suspindehin ang palaban na kongresista ng Cebu, dating Gobernador Gwen Garcia, kung hindi tuluyan na itong i-dismiss sa Kongreso. Medyo mahirap ito intindihin dahil ang mga aktong sinisisi sa kanya ay naganap bago pa man siya naging miyembro ng Kongreso. Nangyari ito noong 2012 nang kasalukuyan pang governor ng Cebu.

 Walang nagsasabing maaring takasan ang responsibilidad para sa pananagutang administratibo (kapag mapatunayan) dahil lang ika’y iniluklok ng mga botante sa Kongreso. Ang pagiging congressman ay hindi agimat na magiging kalasag sa pananagutan. Hindi magandang mensahe sa lipunan kapag ang katungkulan ay gamitin sa makasariling paraan.

 Subalit ang pagiging congressman ay maaring ga­wing dahilan ng pansamantalang pag-relax sa kahigpitan ng batas dahil mayroon ding interes ang lipunan na apektado. Ang tinutukoy ko ay ang interes ng lipunan na ang halal na mambabatas ay mabigyang pagkakataong gampanan ang kanilang tinakdang papel. Importanteng sila ay makilahok sa proseso ng pagsasabatas ng mga pangangailangan ng tao.

 Ito ang rason kung bakit nakasaad sa Saligang Batas na tanging ang Kongreso ang maaring magdisiplina sa mga kawani nito. Hindi lamang nilimitahan sa kamara ang diskresyon, siniguro pa na kapag disiplina ang pi­nag-uusapan, lalo na kung ang dismissal ang issue, hindi karaniwang mayorya ang kailangang bilang. Higit sa ma­yorya ang kailangan o supermajority. 2/3 vote - hindi lamang majority vote.

 Ang pagiging miyembro ng Kongreso ay hindi basta bastang puwesto. Ikaw ang boses ng libu libong botanteng nagtiwala sa iyo. Kapag ikaw ay biglang hablutin at ipagkait ang pagkakataong  katawanin ang iyong distrito, tinanggalan din ng representasyon at tinig ang iyong kinakatawang mga tao.

 Kung kaya magmukha mang espesyal ang pagtratong hinihingi ng mga idinidismiss na miyembro ng Kongreso tulad nina Senador Joel Villanueva at Congresswoman Gwendolyn Garcia, sila ay may puntong dapat din nating pakinggan. 

Philstar
Facebook
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with