Paninindak, pagbabanta
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - January 23, 2018 - 12:00am

LAHAT na ba ay kailangang idaan sa paninindak, pagbabanta? Na kapag hindi nakuha ang gusto ay may kaukulang parusa? Tila ganito na ang kalakaran sa Mababang Kapulu-ngan, na pinamumunuan ni House Speaker Pantaleon Alvarez. Nagsimula ito nang magkaroon ng “supermajority”, kung saan maraming kongresista ay umalyado sa administrasyon. Marami ang lumipat ng partido dahil sila na ang nasa kapangyarihan. Iilan lang ang naiwan sa minorya at oposisyon, na mistulang wala nang boses sa nasabing kapulungan.

Noong tinatalakay ang pagbalik ng kamatayan bilang parusa sa mga krimen, nagbanta si Alvarez na sinoman ang hindi sumang-ayon ay tatanggalan ng hinahawakang kumite. Natanggalan nga ang mga hindi sumang-ayon sa death pe-nalty. Sa pagtalakay ng budget para sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, binigyan lang ng pisong budget ang Commission on Human Rights, dahil sa pagiging kritiko sa kampan­ya ni Duterte kontra iligal na droga. Mabuti at nagbago ang desis­yon dahil din sa malawakang pagkondena sa kanilang kilos.

Hindi rin naglaan ng pondo para sa mga proyekto ng mga kilalang oposisyon. At ngayon, nagbanta ng “zero budget” sa mga pulitiko na hindi susuporta sa pagpalit ng uri ng gobyerno sa federalismo. Lahat na lang, dinadaan na sa banta, panindak. Ngayon lang yata nangyari ito. Naghuhugas kamay naman ang Palasyo sa “zero budget” na pahayag ni Alvarez. Ayon kay dating senador Nene Pimentel, hindi naman dapat pinipilit ipalunok ang lahat ng gusto, dahil mas marami lang silang magkakampi ngayon sa Kongreso. Hindi din dapat minamadali ang pagbago ng Konstitusyon. Ayon naman kay Sen. Lacson, hindi pwedeng isang kapulungan lang ang magdedesisyon para sa lahat. Lumalabas na ayaw ng adminis-trasyon at mga kaalyado nito ang kritsismo, kaya gagawin ang lahat para matigil o sumang-ayon sa kanila. Kabilang na rin diyan ang isyu sa pagsara sa Rappler.

May malaking isyu nga ngayon sa pagitan ng Kongreso at ng Senado. Ganun din, binabraso ng Kongreso ang Senado na sumunod na lang sa gusto nila hinggil sa pagbago ng Konstitusyon. Pero hindi matitinag ang Senado. Mabuti na lang. Boboto sila nang hiwalay sa Kongreso. Natural hindi magpapatalo si Alvarez. Kaya ano na ang mangyayari sa dalawang kapulungan ng mambabatas? Ito ang dahilan kung bakit mahalaga na may boses ang mamamayan. Hindi pwedeng ipaubaya ang kinabukasan ng bansa, sa pamamagitan ng pagbago ng Konstitusyon, sa mga nahuhumaling na sa kapangyarihan. Maraming sumasang-ayon sa federalismo. Hindi lang sumasang-ayon na ang “supermajority” na lang ang masusunod at magdedesisyon sa lahat.

Philstar
Facebook
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with