Walang EJKs?
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - January 21, 2018 - 12:00am

PULIS pala ang dalawang bumaril at pumatay sa dalawang kawani ng Bureau of Jail Management and Peno-logy (BJMP) na galing ng Muntinlupa City Jail. Hinabol at binaril sina PO3 Arnel Rubio at PO1 Jover John Lardizabal ng mga kasama nila JO1 Felino Salazar at JO2 Elmer Malibdao. Patay din ang dalawang pulis. Nagulat, daw, ang mga rumespondeng pulis nang makilala nila si Rubio. Kaya ano naman ang kuwento ng barilan na ito?

Ayon sa mga nag-iimbestiga, maaaring may kinalaman sa droga. Nasa drug watchlist daw si Salazar at sangkot din daw sa pagnanakaw at pangingikil. Kung ganun, extrajudicial killing ba ito na ginawa ng dalawang pulis? Binibigyang-katwiran ba ang pagpatay kay Salazar, dahil sangkot naman pala sa droga? Wala ngang nagugulat kung mga pulis pala ang bumaril sa dalawa. Si Rubio naman ay pulis na sinibak na noong Setyembre 2016, pero ang kasamang si Lardizabal ay aktibong pulis ng NCRPO sa Camp Bagong Diwa. Bakit magkasama ang dalawa? Sila ba ay mga nakatakdang tirador?

Kung hindi napatay ang dalawang pulis ng mga rumespondeng BJMP, ang lalabas lang na kuwento ay sangkot sa droga si Salazar. Diyan na magtatapos ang imbestigasyon. Pero dahil nadiskubre na mga pulis pala, may imbestigasyon na. Naaalala ko ang pagpatay kay Zenaida Luz. Dalawang pulis ang akusado sa pagpatay sa kanya. Nagpakilala sila sa mga pulis na rumesponde, dahil baka mapatay sila sa enkuwentro. Pero ngayon ay pinayagang makapagpiyansa at nakabalik na sa duty, kumpleto pa ang sahod. Ano na ang nangyayari sa kaso nila? Naka-wig ang isa habang may maskara ang isa nang patayin si Luz. Kulang pa ba ang ebiensiyang iyan?   

Sasampahan naman ng kasong murder ang dalawang pulis Caloocan sa pagpatay kina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo de Guzman. Sina PO1 Jeffrey Perez at Ricky Arquilita ang mga pulis na akusado. Dinoble rin kaya ang kanilang sahod, dahil mga PO1? Ilan lang ito sa mga insidente kung saan pulis ang sangkot sa pagpatay ng mga tao, inosente man o hindi. Sigurado marami pa diyan pero hindi lang nahuhuli. Walang extrajudicial killings ang ginagawa sa ilalim ng administrasyong ito? Ano ang mga ito?

Philstar
Facebook
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with