Ikinakasang Imbestigasyon
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - January 20, 2018 - 12:00am

KUMILOS na ang mga senador sa oposisyon para ma­imbistigahan ang P15.7 bilyong Frigate Acquisition Pro­ject (FAP) na saklaw ng programang modernisasyon ng AFP. Ito matapos lumabas ang misteryosong sulat na natanggap ni Defense Sec. Delfin Lorenzana, na una ay inakalang nanggaling kay special assistant to the president Bong Go. Nilinaw ni Lorenzana na galing daw ang sulat sa Hanwha Systems, isang kompanyang nagsusuplay ng combat management system (CMS), at dumaan lang daw sa Palasyo. Wala raw ginawang pang-iimplu­wensiya o pakikialam si Go sa programa. Laman ng sulat ay ang mga benepisyo ng kanilang Sistema kumpara sa CMS ng Thales Tacticos, na pinapaboran umano ng Philippine Navy (PN).

Pero nagtataka naman ako na kung galing nga sa Hanwha Systems ang sulat, bakit hindi nakalagay sa kanilang opisyal na letterhead? Bakit sa papel na wala umanong lagda? At bakit sa Palasyo idinaan, at hindi dineretso sa DND o sa PN mismo, kung sila naman ang dapat makumbinsi na mas maganda nga ang kanilang CMS?

Nagsalita na rin si Vice Adm. Mercado, na siya namang sinibak noong Disyembre dahil sa kanyang pagpipilit daw ng ibang sistema na hindi naman saklaw ng kontratang inaprubahan na. Ang kanyang pagpipilit ang naging sanhi ng antala ng proyekto. Inabsuwelto rin si Bong Go ng anumang pakikiialam o pang-iimplu­wensiya, pero hanggang doon lang daw muna. Marami pa raw isyu ang tatalakayin niya tungkol sa FAP sa tamang panahon at tamang lugar.

Kung matutuloy ang pagdinig ng Senado, kung hindi harangin ng mga senador na kilalang kaalyado ng administrasyon, dito na dapat magsalita si Mercado tungkol sa sinasabi niyang mga isyu ng FAP. May isyu ba ang pagbili ng dalawang frigate mula sa South Korea? O ang isyu ay ang pagpili nga ng CMS para sa dalawang barkong pandigma? Mabibigyan din ng linaw ang lahat ng mga pahayag ni Rep. Gary Alejano tungkol sa FAP. May miting na pinatawag umano ang Palasyo sa mga sumusuri kung ano ang pinakamagandang CMS para sa dalawang barko. Mahalaga na maayos ang kontrobersiyang ito sa lalong madaling panahon. Kailangan ng bansa ang dalawang barkong pandigma na iyan, at dapat lang ang ilagay na CMS ay ang pinakamaganda para sa kanila, kung kanino man manggaling iyan. Kailangang ipagtanggol ng bansa ang mga teritoryo, na tila unti-unting ginagapangan.

Philstar
Facebook
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with