EDITORYAL - Kastiguhin mga lumalason sa Ilog Pasig
(Pilipino Star Ngayon) - January 13, 2018 - 12:00am

MARAMING magagandang kuwento sa Ilog Pasig. Noon daw, maraming nahuhuling isda rito kaya malaking tulong sa mamamayan hindi lamang sa pagkain kundi sa gastusin. Noon daw, puwedeng maglaba sa ilog na ito. Noon din daw, maaaring manalamin dito sapagkat malinaw at malinis ang tubig.

Noon ‘yun. Ngayon, maski isda ay hindi na mabubuhay sa Ilog Pasig dahil marumi, mabaho at may lason. Kabilang sa mga nagpaparumi sa ilog ay ang malalaking pabrika. Wala silang pakunda­ngan kung isuka ang kanilang basura sa ilog. Pinarurumi rin ng squatters ang ilog sapagkat sa mismong mga kanal na sila nagtatapon ng basura. Dito na rin sila dumudumi. Kawawang ilog na masyado nang inabuso ng mga tao.

Nadagdag pa sa mga nagpaparumi sa Ilog Pasig ang mga illegal na nag-aalaga ng baboy sa pampang. Matindi ito sapagkat lahat ng tae at ihi ng baboy ay deretso sa kawawang ilog. Winawalis na lamang ang mga dumi at shoot nang shoot sa ilog. Umaalingasaw sa baho ang mga dumi na lalo pang nagdagdag sa pollution sa ilog.

Noong nakaraang Nobyembre 2017, nakatanggap ng tip ang Pasig River Rehabilitation Commisssion (PRRC) na maraming nag-aalaga ng baboy sa Barangay 649 sa Ermita, Manila at ang mga dumi ng hayop ay deretso sa ilog.

Nagsagawa ng inspection ang PRRC at tama ang tip na maraming nag-aalaga ng baboy sa pampang ng ilog. Konkreto at bakal ang illegal pigpens. Mismong ginawa ang pigpens sa tapat mismo ng ilog para madali ang paglilinis sa mga dumi ng baboy.

Nasorpresa ang mga nanininirahan sa lugar sa pagdating ng mga taga-PRRC at mga pulis. Agad winasak ang mga kulungan at dinala ang may 500 baboy. Wala namang inabutang may-ari ng mga baboy sapagkat mayroon na umanong nakapag-tip na sasalakayin ang illegal pigpens.

Parusahan ang mga lumalason sa Ilog Pasig. Kastiguhin din ang mga barangay captain na inutil sa ka­nilang nasasakupan sapagkat wala silang ginagawang aksiyon sa mga lumalason sa matulaing ilog.

Philstar
Facebook
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with