EDITORYAL - Nasaan ang mga pulis?
(Pilipino Star Ngayon) - January 4, 2018 - 12:00am

MALAPIT lang ang police community precinct (PCP) sa Mabuhay Manor Hotel sa F. B. Harrison, Pasay City pero nalusutan pa rin sila ng mga armadong magnanakaw at nakalimas ng mahigit P4 milyon. Isinagawa ang pagnanakaw noong ma­daling araw noong Martes. Dito makikita na hindi totoong nagpapatrulya sa gabi ang mga pulis. Sabi ni PNP chief Ronald dela Rosa na 24/7 ang pagpapatrulya ng mga pulis para mapangalagaan ang mamamayan sa gabi lalo nang mga nagtatrabaho.

Ang F.B. Harrison ay abalang lugar sapagkat maraming dayuhan ang nakatira sa lugar na ito. Marami ring kainan, bar at iba pang establisi­mento rito kaya kailangan ang pagbabantay ng mga pulis.

Pero walang pulis na nagpapatrulya sa lugar kaya malayang nakapasok sa Manor Hotel ang apat na lalaki dakong alas-tres ng madaling araw.

Nakunan ng CCTV ang pagpasok ng apat na lalaking armado na may facemask at sombrero. Dinisarmahan ang nag-iisang guwardiya at nilimas ang kaha ng hotel. Pati ang Pilipino-Ameri­can at pamilya nito ay nilimas din ang pera ($82,750) at mga mahahalagang gamit gaya ng cell phone, Rolex watch at gadgets na nagkakahalaga ng P59,950.

Tumakas ang mga magnanakaw sakay ng isang van na parang walang nangyari. Hanggang ngayon wala pang lead ang pulisya kung saan hahanapin ang magnanakaw. Namamana pa sila sa dilim.

Kung naisasagawa sana ang regular na pagpapatrulya ng mga pulis sa lugar, tiyak na malalambat ang mga kawatan. Wala sanang kawala ang mga magnanakaw kung naipatupad ang kautusan ni Bato.

Dapat namang mag-isip si President Duterte kung itutuloy pa ang dagdag na sahod sa mga pulis ngayong taon na ito. Paano dadagdagan ang hindi naman tumutupad sa iniaatas na trabaho?

Philstar
Facebook
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with