EDITORYAL - Bilang na ang araw ng mga bulok na jeepney
(Pilipino Star Ngayon) - January 3, 2018 - 12:00am

HINDI nagbibiro si President Rodrigo Duterte nang sabihin niya noong nakaraang taon na susuyurin niya ang mga luma o kakarag-karag na jeepney kapag hindi ito inalis sa kalye. Hanggang Enero 2018 ang kanyang binigay na taning sa mga bulok na jeepney para alisin sa kalye. Huwag daw siyang subukan ng mga operator at driver sapagkat talagang gagawin niya ang sinabi. Matagal na umanong balak ang jeepney modernization kung saan ang 15-taon pataas na mga jeepney ay nararapat nang alisin at papalitan ng electric powered o Euro 4 compliant na mga jeepney.

Kamakalawa, sinabi ni Transportation Undersecretary Thomas Orbos na tuloy na tuloy na ang pagpapatupad ng jeepney modernization. Wawa­lisin na sa kalsada ang mga kakarag-karag na jeepney. Ilulunsad na umano nila ang Motor Vehicle Inspection System (MVIS) para malaman ang edad at road worthiness ng mga kakarag-karag na jeepney sa Metro Manila. Karamihan umano sa mga jeepney na patuloy na bumibiyahe kahit bulok na ay 15 taong gulang na o mahigit pa. Sabi ni Orbos ang mga bulok na jeepney na ito ang isa sa mga dahilan kaya grabe ang trapik sa Metro Manila. Walang disiplina ang mga driver ng jeepney na nagbababa at nagsasakay saan man nila gustuhin. Ang mga jeepney din na ito ang lumalason sa kapaligiran.

Marami ang matutuwa kapag nawalis na ang mga karag-karag na jeepney sa kalsada. Bukod sa nagdudulot ng trapik at air pollution, ang mga jeepney din na ito ang naglalagay sa panganib ng mga pasahero. Marami sa mga jeepnery driver ang walang nalalaman sa road at traffic signs. Drive lang sila nang drive. Paharurot lang nang paharurot at walang pakialam kung may masagasaan at mapatay.

Tuparin ni Digong ang sinabing susuyurin ang mga bulok na dyipni. Panahon na para mawala ang mga bulok na dyipni at ganundin ang driver nito na walang disiplina. Pero huwag namang kalimutan na tulungan ang mga matitino at disiplinadong jeepney driver na makapag-may-ari ng modernong jeepney.

Philstar
Facebook
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with