Napagkamalan lang
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - January 2, 2018 - 12:00am

ITO ba ang mga dodoblehin ang sahod ngayong 2018? Mga pulis na ang alam lang ay mamaril nang mamaril. Ang problema, hindi mga kriminal ang binaril at pinatay ng mga pulis, kundi mga inosenteng tao na dinadala ang kanilang kasamahan sa ospital. Nangyari ito noong Huwebes ng gabi sa Mandaluyong.

Ayon sa mga testigo at mga nakaligtas sa insidente, unang nabaril ang isang babae na may nakaalitang grupo. Nang itinatakbo na sa ospital, hinabol naman sila ng mga armadong tanod at pinagbabaril ang sasakyan, dahil napagkamalan sila ang namaril sa babae. May napatay at nasaktan ang mga tanod. Nang duma­ting ang mga pulis, itinuro ang sasakyan sabay alis ng mga tanod. Lalong sumama ang sitwasyon. Binaril din ng mga pulis ang sasakyan dahil ayaw sumunod sa kanilang utos na bumaba. Pero paano bababa ang nabaril na? Ayon sa mga nakalabas ng sasakyan, sumisigaw sila pero hindi sila pinakinggan. Binaril na lang sila nang binaril. Kita sa CCTV ang pamamaril ng mga pulis sa sasakyan na wala namang lumalaban. Nalaman na lang nila na mali ang kanilang pinagbabaril nang makita na walang dalang mga baril ang grupo. Dalawa ang namatay at kritikal ang dalawa pa.    

Hindi ko talaga maintindihan ang patakaran ng mga pulis ngayon. Bakit hindi muna inaalam ang sitwasyon, bago mamaril? Sa lahat ng napatay ng mga pulis sa drug war ni Duterte, sinasabi nila na napilitan silang barilin dahil “nanlaban”. Kaya ang tanong ko, nanlaban ba ang mga nasa loob ng sasakyan, kaya nila pinagbabaril? Paano manlalaban kung hindi pala armado? Mabuti at may nabuhay at may CCTV kundi baka nagbago na naman ang kuwento, baka may mga baril at droga pa.

Matatanggap na lang ba ang paliwanag na napagkamalan lang? Sori na lang, ganun talaga ngayon? Sa madaling salita, puwedeng mangyari ito kahit kailan, kahit kanino. Kapag naituro lang, sapat na impormasyon na ito para sa mga pulis para tadtarin ng bala. At bakit armado ang tanod? May pahintulot na rin ba sila magdala ng baril? Maharap man sa kasong kriminal ang mga pulis at tanod, hindi mababago na mga inosente ang kanilang napatay. Napakagandang pagsalubong ng pulis Mandaluyong ngayong Bagong Taon at dagdag sa napakagandang imahe ng PNP.

Philstar
Facebook
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with