Seniors, millennials: Isang taon na naman
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - January 1, 2018 - 12:00am

UMIIKOT ang mga artikulong ito sa Internet; isina-Tagalog ko para sa Bagong Taon. Una, sa seniors, “Naaalala Mo Pa Ba Noon Na...”:

(1) 10¢ lang ang pamasahe sa jeep, kandong libre. (2) Babae lang ang may hikaw. (3) Preso lang ang may tattoo. (4) Sina Erap, Jinggoy, Bong Revilla, at Lito Lapid ay sa showbiz section ng diyaryo nababasa; ngayon headlines na. (5) Ang intindi mo sa LOL ay Ulol, hindi Laughing Out Loud. (6) Arcega’s at Good Earth Emporium ang shopping-an. (7) 10¢ lang ang isang basong taho at kailangang magdala ka ng sariling baso, kasi wala pang plastic cups noon si Manong na magtataho. (8) Chocnut, Tarzan gum at kending Vicks ang pinaggagastusan mo ng 5¢ mo. (9) Sarsi with egg ang pampataba at Star margarine ang pampatangkad. (10) Nagkakakalyo ka dahil sa manual typewriter na panggawa mo ng school paper mo.

Para sa millennials, “Kabalintunaan ng Kasalukuyan: Nabubuhay Tayo sa Panahon Na...”:

(1) Marami tayong nakikitang tao, pero hindi ang pakikipag-kapwa-tao. (2) Ang mayaman ay mas maraming kuwarto kaysa anak, at ang mahirap ay mas maraming anak kaysa kuwarto. (3) Nailalapit tayo ng smartphones sa mga tao na malalayo, pero nalalayo tayo sa mga tao na malalapit. (4) Mas malimit nating buksan ang Facebook kaysa Holy Book. (5) Kinakaya ng single mother alagaan ang sampung anak, pero hindi maalagaan ng sampung anak ang nag-iisang ina. (6) Milya-milya ang nilalakad ng mayaman para matunawan ng kinain, at milya-milya ang nilalakad ng mahirap sa paghanap ng makakain. (7) Ang contacts list natin ay makapal, pero ang relasyon sa kanila ay manipis. (8) Mas marami tayong mahalagang ari-arian, at mas konti ang pagpapahalaga natin doon. (9) Alam nating kumita para sa magandang buhay, pero hindi tayo nabubuhay nang maganda. (10) Alam natin ang halaga ng lahat, pero kulang tayo sa pagpapahalaga.

Philstar
Facebook
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with