Militar ang kalaban (Unang bahagi)
IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - December 31, 2017 - 12:00am

NOONG Oktubre 24, 2007, ipinatupad ng Supreme Court ang batas na tinatawag na “Writ of Amparo”. Layunin nito na bigyan ng solusyon ang problema tungkol sa mga extralegal killings at sapilitang pagkawala ng mga tao. Ang extralegal killings ay ang walang-awang pagpatay na hindi dumaan sa proseso ng batas at hudikatura. Ang sapilitang pagkawala naman ay tungkol sa pag-aresto, pagdampot o pagkidnap ng isang tao ng mismong gobyerno o ng isang organisadong grupo o ng mga indibidwal sa utos mismo ng mga nakatataas. Ang pananahimik ng pamahalaan o ang tikom na bibig ng mga nasa katungkulan tungkol sa sinapit ng mga taong ito ay ang dahilan kung bakit ipinatupad ang nasabing batas. At mas nabigyan ng linaw ito sa kaso ng magkapatid na sina Manny at Raffy.

Sina Manny at Raffy ay mga residente ng isang barangay sa probinsiya ng Luzon nakilalang pinamumugaran ng mga NPA. Sa katunayan nga, may isang kapatid sila na kilalang NPA lider, si Ka Rody, na kinasusuklaman ng mga tao sa kanilang lugar lalo ang mga pamilya ng kanilang naging biktima sa summary execution.   

Isang hapon, natutulog si Manny sa kanyang bahay nang biglang dumating ang anim na sundalong pinamumunuan nina M/Sgt. Roland at Pfc. Diego na nakasuot ng puting t-shirt, patig na pantalon at army boots. Bigla na lang pumasok sa bahay ang grupo at ginising si Manny sa pag-aakalang ito si Ka Rody. Todo tanggi ang ina ni Manny na si Edna at pilit ipinapaliwanag na hindi si Ka Rody ang hinuhuli nila pero pinosasan pa rin ni Sgt. Roland si Manny at dinala sa likod bahay kung saan siya inumpisahan na bugbugin ng mga sundalo. Pagkatapos ay dinala siya sa may kalsada. Humingi siya ng saklolo sa ina pero agad itong hinarang at pinahinto ng tatlong sundalo.

Apat sa kumuha kay Manny ay ang magkakapatid na Leo, Cardo, Pablo at Ric. Mga miyembro sila ng CAFGU at sila ang nagsilbing look-out sa tulong ng dalawa pang magkapatid na sina Romy at Doming. Piniringan nila ang mga mata ni Manny at pagkatapos ay isinakay sa isang puting van na minamaneho ni Sgt. Roland. Matapos  ang sandaling biyahe, huminto ang van at kumuha pa ng isang sakay na nakapiring din ang mata. Habang nasa daan ay pareho silang binubugbog. Kalaunan ay nakilala ni Manny na ang kasama niya ay si Raffy na kanyang kapatid. Pareho silang dinukot sa pag-aakalang mga kasapi sila ng NPA dahil sa kapatid nilang si Ka Rody. (Itutuloy)

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with