EDITORYAL - Si Rizal at ang basura sa Luneta
(Pilipino Star Ngayon) - December 30, 2017 - 12:00am

NGAYON ay ika-121st death anniversary ni Jose Rizal. Ginugunita ng sambayanan ang kanyang kabayanihan. Ang kanyang kamatayan noong 1896 ang nagpasiklab sa damdamin ng mga rebolusyunaryo para labanan ang mga mananakop na Kastila. Nagising ang mamamayan sa kanyang mga isinulat at naging inspirasyon para maghimagsik. Malaking tulong ang kanyang mga akda para asamin na lumaya sa mga mananakop.

Dahil sa kanyang kadakilaan, isang monumento na nasa isang parke ang ginawa para sa kanya. Ma­lawak ang parke na naging paboritong pasyalan ng mga tao.

Hanggang sa nakaugalian na nang maraming tao na magdiwang ng Pasko at Bagong Taon sa Luneta. Taun-taon ay dinadagsa ng mga tao ang Luneta. Marami silang bitbit na pagkain na kinabibilangan ng litsong baboy at manok, sari-saring ulam, nakaplastik na inumin, mga kape na nasa sachet, noodles na nasa cup, pansit na nasa styro, at marami pang pagkain na pagsasaluhan.

Umaga ng Disyembre 26, mabubulaga ang mga taong nagdaraan sa Roxas Blvd, sapagkat matatambad sa kanila ang maraming basura sa paligid ng Luneta. Kabilang sa mga basura ang foil na pinagbalutan ng litsong baboy o manok, plastic bottle ng softdrink at tubig, sachet ng instant coffee, cup ng noodles at mga styro na pinaglagyan ng pansit, spag­hetti, salad, at iba pang lalagyan ng pagkain. Tambak din ang mga kaha ng sigarilyo, upos, plastic na kutsara at tinidor at iba pang plastic na bagay.

Ganito rin ang tanawin kung Enero 1 (Bagong Taon). Ginawang basurahan ng mga taong walang disiplina sa pagtatapon ng basura. Hindi nagsasawa ang National Parks Development Committee (NPDC) sa pagpapaalala na huwag mag-iwan ng basura. Mayroon namang basurahan sa paligid na paglalagyan ng mga basura pero hindi pa rin sumusunod.

Kawawang Rizal na ginawang basurahan ang paligid ng parke. Walang patumangga ang pagka­kalat ng basura. Walang disiplina.

Bukas, Disyembre 31, inaasahang dadagsa uli ang maraming tao sa Rizal Park at tiyak na marami na naman silang ikakalat na basura.

Philstar
Facebook
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with