Kawawang misis
IKAW AT ANG BATAS - Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - May 7, 2017 - 12:00am

(Unang Bahagi)

ALINSUNOD sa batas RA 9262, ang babae at mga bata ay protektado sa lahat ng kaso ng pang-aabuso. Ito ay pinapaliwanag sa kaso ni Bella (hindi niya tunay na pangalan).

Unang nakita ni Bella si Art nang siya ay nag-aaral ng Medisina at nagpapalaki ng nag-iisang anak niya, si Charlie, sa unang karelasyon. Pagkatapos ng limang taon ay nagseryoso na sila sa isa’t isa at naging magkasintahan. Sila’y nagkaroon ng dalawang anak, sina Danny at Edna.

Pagkatapos ng anim na taon ng pagsasama, nagpakasal ng sibil sina Bella at Art. Ang birth certificate ng tatlong bata ay ipinabago ni Bella upang maipakita na legal na silang anak ng mag-asawa.

Inaamin ng dalawa na hindi perpekto ang kanilang pagsasama. Minsan masaya at minsan ay may maiinit na argumento rin ang mag-asawa. Dahil sa klase ng kanilang relasyon, bandang huli ay iniwan ni Art ang kanyang pamilya. Hindi nagtagal ay nagsampa ng petisyon si Bella sa korte (RTC) para mabigyan ng Temporary Protection Order (TPO) kasama ang hiling na gawin itong perma-nente dahil sa paulit-ulit na pang-aabuso (economic and psychological) ni Art.

Ayon kay Bella, nag-aaway sila dahil sa pambababae ni Art at nang minsan komprontahin, minura siya ng lalaki imbes na aminin ang totoo.  Ang pinakamatindi, nilait at hiniya pa raw siya ng kabit ni Art, si Fely (hindi niya tunay na pangalan) sa harap ng madlang tao at nakaharap pa si Art na hindi man lang inawat ang kabit.  Sa sobrang sakit na nararamdaman, naisip ni Bella na lisanin muna ang kanilang bahay kasama ang kanyang mga anak at pumunta muna sa bahay ng isang kaibigan. Bandang huli ay bumalik din siya ng bahay pero iniwan muna sa pangangalaga ng kaibigan si Charlie.

Ang masaklap daw kasi sa nangyayari sa kanila ay halatang pinapaboran lang ni Art sina Danny at Edna.  Ang dalawang bata lang ang madalas na ibili ng pagkain at laruan samantalang wala man lang ibinibigay kay Charlie kahit pa pinangako ng lalaki dati na ituturing din niyang anak ang bata. Hindi na rin binabayaran ni Art ang upa sa condominium unit kaya napilitan na silang umalis. Kailangan na rin ni Bella na magtrabaho dahil kulang na kulang ang perang binibigay ni Art na panggastos nila sa bahay kaya kung kani-kanino lumalapit si Bella para mangutang ng pera. (Itutuloy)

CHARLIE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with