EDITORYAL - Korapsiyon sa barangay
(Pilipino Star Ngayon) - April 23, 2017 - 12:00am

MAY katwiran si Pres. Rodrigo Duterte na huwag nang magdaos ng barangay election sa Oktubre sapagkat bukod sa pagkakasangkot sa illegal na droga ng ilang barangay captain, ilan din sa kanila ang sangkot sa corruption. Balak ng Presidente na i-appoint na lamang ang pinuno ng barangay.

Mabuti ngang ganito ang gawin para mawala na ang mga kapitan na sangkot sa illegal na droga at umaabuso sa tungkulin. Kung patuloy na magkakaroon ng barangay election, wala nang pagbabago sapagkat ang mga dati pa ring pinuno ang malalagay sa puwesto. Gagamitin ang pera mula sa droga para pambili ng boto. At kapag nakaupo na, malaya nang makakapasok ang droga sa barangay.

Tuloy din ang ginagawang corruption ng ilang barangay captain gaya ng isang kapitan sa Bgy. Escopa, Quezon City na ginamit ang dalawang sasakyan ng barangay para i-celebrate ang birthday ng anak sa isang resort sa Laiya, Batangas noong nakaraang linggo. Nakunan ng isang netizen ng video at retrato ang dalawang sasakyan habang papasok sa resort. Agad ipinadala ng netizen sa ABS-CBN ang mga nakuhang video at ipinalabas. Nabulgar ang ginawa ng barangay captain na nakilalang si Fernandito Ortiz.

Agad pinadalhan ng QC Barangay Operations Center officer ng sulat si Ortiz at pinagpapaliwanag kung bakit niya ginamit ang sasakyan ng barangay. Mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng sasakyan ng gobyerno para sa pansarili. Isang araw makaraang padalhan ng sulat, inamin ni Ortiz ang pagkakamali. Ganunman, sinabi niyang ginamit daw ang sasakyan para sa bonding ng barangay task force on youth development.

Kahit na umamin, maaaring kasuhan si Ortiz ng paglabag sa RA 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Hindi lamang si Ortiz ang gumagawa ng ganito. Marami pang barangay captain ang umaabuso sa puwesto na ang akala, porke at sila ang lider sa barangay puwede nang gamitin ang sasakyan ng bayan para sa sariling kapakanan.

EDITORYAL
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with