EDITORYAL - May ‘anay’ pa rin sa PNP
(Pilipino Star Ngayon) - January 18, 2017 - 12:00am

NAIBABANGON na sana ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa ang imahe ng pambansang pulisya dahil sa matagumpay na kampanya sa illegal na droga pero mukhang nadudungisan na naman dahil na rin kagagawan ng mga miyembro nito. Sabi ni Dela Rosa noong nakaraang taon, disiplinado na raw ang mga pulis. Malaki raw ang tiwala niya sa mga ito. Pero lingid sa PNP chief mayroon pa palang mga “bugok” at tila hindi natatakot sa banta na masisibak sa puwesto kapag gumawa ng palso. Mayroon pa ring “anay” na unti-unting nginangatngat at gustong ibagsak ang PNP.

Kontrobersiyal ngayon ang isang pulis na idinadawit sa kidnapping ng isang Koreanong ne­gosyante noong nakaraang taon. Nagbayad ng P5 milyon ang asawa ng negosyante pero hindi ito pinakawalan. Hanggang ngayon hindi pa nakikita ang Koreano at hinihinalang pinatay ito ng mga kidnapper. Nakilala ang Koreano na si Jee-Ick-joo, 53 na kinidnap sa bahay nito sa Pam­panga noong Oktubre 18, 2016.

Ang pulis na idinadawit sa kidnapping ay si SPO3 Ricky Sta. Isabel, dating nakatalaga sa Anti-Illegal Drug Group (AIDG) sa panahong kinidnap ang negosyante. Ayon sa mga testigo, si Sta. Isabel, kasama ang walong tao ang kumidnap kay Jee sa bahay nito. Sabi ng mga kapitbahay, si Sta. Isabel ang nag-drive sa black pickup kung saan sapilitang isinakay si Jee. Ito rin umano ang kumuha ng sasakyan ni Jee, isang Ford Explorer.

Itinanggi naman ni Sta. Isabel ang akusasyon. Malinis daw ang konsensiya niya. Sumurender si Sta. Isabel sa National Bureau of Investigation (NBI) noong Linggo. Kinumpirma ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre II ang pagsuko ni Sta. Isabel. Kahapon, may report na natagpuan na ang bangkay ni Jee sa isang punerarya sa Caloocan City.

Kung totoong sangkot si Sta. Isabel sa pagkidnap sa Koreano, dapat lamang na gawing masusi ang imbestigasyon dito. Bulatlatin kung sino ang nasa likod ng kidnapping na nangyari habang pinagmamalaki ni Gen. Dela Rosa na disipli­nado na ang mga pulis. Nararapat maibigay ang hustisya sa biktima. Paigtingin naman ng PNP chief ang paglipol sa mga “anay” sa PNP.

EDITORYAL
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with