‘Di na kayang tanggapin’
CALVENTO FILES - Tony Calvento (Pilipino Star Ngayon) - January 16, 2017 - 12:54am

ANG LUBID na pinipigilan mo kapag pumiglas ito sa kamay mo masusugatan ang iyong mga palad.

“Natapos ko na ang dalawang taon pero hindi ko na kinaya kaya tumakas ako,” ayon kay Marline.

Kasalukuyang nasa Dubai ang taga Nueva Ecija na si Marline Huliganga.

Humihingi siya ng tulong para mapauwi na siya ng Pilipinas dahil sa takot sa kanyang kalagayan doon sa ibang bansa.

Kwento ni Marline napilitan siyang mangibang bansa nang tamaan ng dengue ang kanyang tatlong anak. Lumaki ang gastos at wala siyang mahingan ng tulong.

Hiwalay na siya sa asawa kaya ang tanging nasandalan niya ay ang pangungutang sa iba para makabayad sa mga gastusin.

“Nagagalit na ang mga nautangan ko hanggang sa makara­ting ang reklamo nila sa barangay,” ayon kay Marline.

Maliit lang ang kinikita niya sa pagiging kasambahay sa Pilipinas kaya kahit anong tipid hindi sapat ito. Wala rin siyang ibang pinagkakakitaan kaya hindi siya nakakabayad sa mga utang.

Ang naisip niyang solusyon ay magtrabaho na lang sa abroad para mabayaran ang kanyang mga utang.

Pumasok siya bilang Household Service Worker (HSW) sa Dubai. Ang ahensiyang Our Lady of Mt. Carmel Global E Human Resources ang tumulong sa kanya kaya nakaalis siya ng Pilipinas noong Pebrero 2014.

“Pagdating ko run kinuha ng ahensiya ko sa Dubai ang kontrata ko at ibang amo ang ibinigay sa akin. Walang dokumento ang pamilya ko sa pag-alis ko,” kwento ni Marline.

Hindi natupad ang kung anumang nakasaad sa kontratang pinirmahan niya dahil ibang kontrata na ang ibinigay sa kanya pagdating ng Dubai.

Tumagal ng dalawang taon si Marline sa among si Khaithem Obaid Mohammed Hassan Alblooshi pero nang malaman niyang ni-renew ang kanyang visa ay tumakas na siya.

Hindi na raw niya kaya ang ginagawang pananakit sa kanya ng nanay ng employer. Pinapupunta pa raw siya sa sa kulungan ng mga hayop para mamulot ng bato tapos itatapon sa labas ng koral.

Siya rin daw ang nagpapakain ng mga ito. Tiniis niya ang lahat at hindi siya agad nagsumbong sa kanyang ahensiya dahil unang beses niya itong mag-abroad.

Nang kontakin naman daw niya ang mga ito ay hindi niya matawagan.

“Hinahampas ako ng bote ng mineral. Dinuduraan niya ang kamay niya para lang hampasin ako sa noo,” salaysay ni Marline.

Dumating pa raw ang pagkakataon na hinawakan pa siya sa braso para lang itulak kaya nahampas ang kanyang braso sa may pintuan.

Sinubukan niyang kontakin ang kanyang ahensya ngunit nabigo lang siya.

Tiniis niya ang lahat ng pananakit ng nanay ng employer niya dahil ang nasa isip niya ay mabayaran ang mga taong nautangan nang magkasakit ang mga anak.

Nandun siya para magtrabaho pero hindi niya naman akalain na ganitong uri ng amo ang kanyang masusumpungan.

Nagsikap siyang tumagal ng dalawang taon sa Dubai. Nang mabuno niya ang dalawang taon umasa si Marline na uuwi na siya ng bansa at hindi na ire-renew ang kanyang visa.

“Ni-renew ng nanay ng amo ko ang visa ko. Sinabi na lang nila sa akin na magpa medical daw ako,” pahayag ni Marline.

Maagang binubuksan ang gate ng bahay ng amo at sinasara naman ito pagdating ng gabi.

Sa isip pa lang ni Marline hindi na niya kakayaning magtagal sa ganung sitwasyon kaya nang makahanap siya ng pagkakataong makatakas sa amo ay umalis na siya kaagad.

“Sa ngayon nakahanap ako ng mapagtatrabahuan pero gusto ko na talagang umuwi. Natatakot ako sa sitwasyon ko dito,” sabi ni Marline.

Nahihirapan daw siya sa kalagayan niyang patago-tago sa pagtatrabaho dahil sa nag runaway siya.

Mag-iisang taon na raw siyang takas ngayong darating na Peb­rero kaya’t hiling niya na matulungan siyang makauwi ng bansa.

Alam naman daw ng kanyang pamilya ang kalagayan niya sa ibang bansa ngunit walang magawa ang mga ito dahil nasa probinsya sila.

Gusto pa sanang makapagtrabaho ni Marline doon dahil iniisip niya ang kalagayan ng kanyang pamilya lalo na ang kinabukasan ng kanyang mga anak.

Naiintindihan niya ring mabuti ang problema niya dahil sa kanyang pagtakas. Mahirap ang magtago sa ibang bansa para lang kumita ng pera.

“Nagpapasalamat na ako sa inyo kung anumang tulong ang maiaabot niyo sa ‘kin. Gusto ko nang makauwi ng Pilipinas para hindi na ako patago-tago dito,” pahayag ni Marline.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, mahirap ang buhay sa ibang bansa  lalo kung alam mong maaaring may kaso ka na sa lugar na yun.

Nung simula pa lang na sinasaktan siya ng kanyang amo ipinaalam niya na dapat ito sa ahensya sa pamamagitan ng kanyang kapamilya rito sa Pilipinas.

Kahit na tinawagan lang nila ito para man lang maasikaso si Marline at matugunan ang kanyang employer.

Ilang beses nang may pangyayaring ganito dahil hindi kaagad sumasaklolo ang ahensyang nagpaalis sa kanila kaya ang resulta tumatakas na lang ang ating kababayan.

Upang matulungan si Marline nakipag-ugnayan kami kay former DFA Undersecretary Rafael Seguis upang malaman kung paano matutulungan si Marline na makauwi ng Pilipinas.

Naiparating na din ito sa ating embahada sa Dubai kay Consul General Paul Raymund Cortes.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

NUEVA ECIJA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with