‘Sumugal para sa saglit na sarap’
- Tony Calvento (Pilipino Star Ngayon) - December 22, 2015 - 9:00am

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

KAPAG ISINIGAW ka ng isang babae na pinwersa mo siya mag­hanap ka ng matibay na depensa para hindi ka sumabit.

“Kung anu-anong kasinungalingan ang sinasabi nila para lang huwag makasuhan ang lalaki sa ginawa niya sa pamangkin ko,” ayon kay Edison.

Dalawampung taong gulang ang pamangkin ni Edison Rodriguez na itatago namin sa pangalang “Vera”.

Isang bente otso anyos na tricycle driver at may asawa ang umano’y nanggahasa sa kanyang pamangkin. Sinampahan nila ito ng “Rape”.

Ayon sa salaysay ng biktimang si Vera na ibinigay kay PO3 Maripil Arellano Real noong ika-dalawa ng Diyembre 2015 sa tanggapan ng Women and Children Protection Desk sa Candelaria Municipal Police Station na nangyari ang panggagahasa noong Disyembre 1, 2015.

Si Joshue Elbanbuena @Toto itinuturo niyang may gawa ng panghahalay. Nangyari daw ito sa likod ng bahay nina Toto bandang alas nuebe ng gabi ng nasabing petsa.

“Nasa bahay ako ni Mark na bayaw ni Toto nung panahong yun. Birthday at nagkaroon ng inuman. Nang makaramdam ako ng pagkalasing ay pauwi na ako nang masuka ako. Nagpunta ako sa likod bahay at dun ako sumuka,” salaysay ni Vera.

Bigla na lang may kamay na tumakip sa kanyang bibig at dinala siya sa madilim na parte. Hinubad ang kanyang pang-ibabang damit at ipinasok ng lalaking humila sa kanya ang ari nito sa kanyang ari. Ilang beses daw itong inilabas masok.

Nakaramdam siya ng sakit dahil may regla siya nun. Nang matapos ang lalaki sa ginagawa, binihisan siya. Nag-iiyak na si Vera.

Nakilala niya daw si Toto dahil may mga taong tumatawag dito at tinamaan  ang mukha nito ng flash light. Hindi daw siya agad nakapagsumbong sa pulis dahil natakot siyang may magawang hindi maganda ang kanyang ama sa pagtatanggol sa kanya.

“Pag-uwi ko hindi ko mapigilan mag-iiyak kaya tinanong ako ni mama kung bakit. Kakapilit niya sa akin ay dun ko na nasabi sa kanya ang totoo,” ayon kay Vera.

Depensa naman ni Toto wala daw katotohanan ang lahat ng ibini-bintang sa kanya. Nung nasabing petsa at oras ay nakikipag-inuman siya sa harap ng kanilang bahay dahil kaarawan ng kanyang bayaw.

Marami siyang nadatnang tao na nag-iinom doon si Vera, ama ng biktima, biyenan ni Toto at ang kanyang asawa na si Jane.

“Maya-maya umalis na ang ama ni Vera. Dumating naman ang kapatid niyang lalaki para kunin sila Vera at ang isa niya pang kapatid na babae. Tinawag ko pa ang asawa ko para sabihin na pauwiin na ang dalawa,”  ayon kay Toto.

Kinausap pa daw nilang mag-asawa sa loob ng bahay ang magkapatid para pauwiin. Pumayag ang isang kapatid ni Vera at inihatid ito ni Jane at ng kapatid na lalaki.

Pumunta naman sa likod ng kanilang bahay si Toto para umihi at nakita niya daw dun si Vera. Hanggang sa matapos siya ay hindi pa din ito umaalis kaya’t sinabihan niyang pinapauwi na ito ng kanyang tatay.

Sa halip na umuwi bigla daw siyang niyakap at hinalikan ni Vera. Hinila daw nito ang kanyang kamay at hinigit siya sa may puno ng saging.

“Sinabihan ko siya na baka may makakita sa amin pero tuloy pa din siya sa pagyapos at paghalik sa akin kaya may nangyaring pagtatalik sa ‘min,” sabi ni Toto.

Pagkatapos daw nilang magtalik ay pinapabalik ni Vera si Toto sa inuman para ipatawag ang boyfriend nitong si Apeng na kasama din nila sa inuman. Pabalik na sana siya ngunit pinigilan umano siya ni Vera at muling hinalikan.

Pinatawag na naman nito ang kanyang boyfriend pero pinigilan na naman siya at hinalikan daw siya ni Vera. Sa pagkakataong ito biglang sumulpot sa kanilang likuran ang asawa ni Toto at agad siyang sinampal.

Kinalmot pa siya sa leeg at pinagsisipa. Pinigilan ito ni Vera. Dumating na din ang ama ni Vera, kapatid nitong si Marlon at ang karelasyon nitong si Apeng at ilang kainuman nila dahil sa pag-eeskandalo ng kanyang asawa.

“Umuwi na kami sa mga bahay namin pero ilang minuto lang nakita kong kausap ng bayaw ko ang ama ni Vera,” ayon kay Toto.

Nagtanong si Toto sa ama ni Vera ngunit sagot nito bukas na lang sila mag-uusap. Nagulat na lang siya kinabukasan ng hapon nang dumating ang mga pulis sa kanilang bahay at sinabing ginahasa niya si Vera. Wala daw itong katotohanan sapagkat ginusto ni Vera ang nangyari sa kanila.

“Ilang araw bago kami magkainuman ay madalas ko ng nakaka-text si Vera,” pahayag ni Toto.

‘Hymen: Annular Estrogenized type; (+) cleft 6 o’clock position’, ang nakalagay sa ‘medical certificate’ ni Vera na pinirmahan ni Dr. Ramon Baldovino.

“Ang problema namin ngayon sinasabi ng kabilang kampo na may relasyon daw ang pamangkin ko at si Toto. Kasalukuyan siyang naka-detain sa Candelaria Quezon Police Station. Sa Enero 2016 pa ang hearing,” ayon kay Edison.

Humihingi sila ng payo kung ano ang maaari nilang gawin sa sitwasyong ito ng kanyang pamangkin.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, para ang isang testimonya ay maging kapani-paniwala, kailangan hindi lamang ito manggaling sa isang kapani-paniwalang tao kundi ang testimonya nito mismo ay kapani-paniwala.

Paano tinitignan ng mga taga-usig o ng ating korte ang pahayag ng isang babae na umano’y ginahasa? Kadalasan ang isang babae o dalaga ay hindi hahayaan mabulatlat ang kanyang karanasan na parang ginagahasa siyang muli sa pangalawang pagkakataon.

Ang isinampang kaso kay Toto na Rape ay walang piyansa kaya mananatili siyang nakakulong sa istasyon ng pulis na pagkatapos ililipat sa sa  ‘Provincial Jail’ hangga’t dinidinig ang kaso.

Isang dapat masagot ng maayos ay kung naiihi lang siya bakit kailangan pa niyang lumabas at magpunta ng likod bahay gayun nandun na siya sa loob ng bahay ng kanyang bayaw? Nakita niyang lasing ang biktima bakit hindi na lang niya ito inihatid sa bahay nila para wala ng ganitong problema siyang kinasangkutan? Sa nangya-ring ito sa halip na masaya ang Pasko mo, magdiriwang ka ngayon sa loob ng kulungan kapalit ang isang sandaling kamunduhan?

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

ACIRC ANG ANNULAR ESTROGENIZED BAHAY DAW ITO KANYANG SIYA STRONG TOTO VERA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with