“Singsing na nawalan ng kapares”
- Tony Calvento (Pilipino Star Ngayon) - October 1, 2015 - 10:00am

NARIRINIG mo na ang martsa at nangangarap ka ng magsuot ng kulay puting trahe de boda. Ilang saglit lang unti-unting nagkulay itim ang iyong damit na parang nasa isang libing.

“Para kaming bulag na walang nalalaman sa tunay na nangyari sa anak ko. Kapag nagtatanong kami sa ahensiya wala silang maisagot,” wika ni Efren.

‘Surveyor’ sa Munisipyo ng Montalban ang anak ni Efren Hendeve na si Joseph bago pa nito magpasyang mangibang bansa para dun magtrabaho.

Nagpatulong sila sa ahensiyang SAF International Services Inc., Para makahanap ng mapagtatrabahuan. Ang katrabaho niya sa munisipyo na surveyor din ang kasama niya sa pag-aapply.

Nakahanap ito ng mapagtatrabahuan ng dalawa sa Riyadh bilang Surveyor sa Summit Engineering Consultant sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia.

Nang makompleto ang mga dokumentong kailangan nakaalis sila taong 2014. Unang beses na umalis ng bansa para magtrabaho ni Joseph.

“Sabi ng kompanya pwede siyang umuwi bawat taon. Nung nag-isang taon na siya sa trabaho humiling sa kanya ang employer na huwag muna siyang umuwi dahil may umuwing kasamahan niya,” salaysay ni Efren.

Pumayag si Joseph at nagkasundo sila ng employer na sa Set­yembre 2015 na lang uuwi para na rin sa kasal nila ng kanyang kinakasama.

Bumili na ito ng ‘wedding ring’ doon at ipinadala dito sa Pilipinas. Nagplano na siya sa kanilang magiging kasal.

“Nakatanggap na lang kami ng tawag mula sa kanyang kasamahan na naaksidente raw si Joseph. Pitong buwan pa lang nun ang kanyang anak,” ayon kay Efren.

Kwento lang daw sa kanila Hunyo 9, 2015 nagmamaneho papunta sa lugar ng trabaho nila sa Tabuk ang anak dala ang sasak­yan ng kompanya. Ang kaibigan niya rito sa Pilipinas ang kasama niyang bumiyahe.

Sumabog ang gulong sa may harapan na naging dahilan ng aksidente. Namatay ang ang kanyang anak habang buhay ang kasama nito.

Nadala sa ospital si Joseph pero ‘dead on arrival’ na ito.

“Tumawag kami sa ahensiya para malaman kung anong nangyari. Wala silang maisagot. Nagtampo kami sa kanila dahil wala man lang silang ginawa,” pahayag ni Efren.

Hindi raw sinabi kaagad sa kanila ang nangyari dahil baka mabigla sila.

Nagpunta sila sa ahensiya para humingi ng impormasyon ngunit ipinasa lang sila sa isang Insurance Company.

“Sabi nila yung daw ang ka-partner nila. Dun daw kami lumapit dahil yun ang bahala kapag may nangyaring masama sa pinaalis nila ng bansa,” ayon kay Efren.

Nung panahong yun ang pinakagusto nilang malaman ay ang detalye sa nangyari sa anak. Kung sino ang nagkaroon ng kapabayaan at kung ano ang naging resulta ng ‘autopsy’ nito.

Sumasama din daw ang loob niya sa kasamahan ng anak nung maaksidente dahil ito ang kasabay niyang mag-apply at kasama sa kwarto dun sa pinagtatrabahuan nila pero hindi man lang nakipag-ugnayan sa pamilya nang mangyari ang aksidente.

“Nag-iisip tuloy kami na baka may ‘foul play’ na nangyari. Wala kaming mga dokumento at hindi din naman nila maisa-isa ang mga detalyeng gusto naming makuha mula sa kanila,” wika ni Efren.

Nagsadya na sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pamilya ni Joseph para makakuha ng kopya ng police report at autopsy.

Apat na buwan mula nang mamatay ang anak pero ang kanyang labi ay hindi pa rin naiuuwi dito sa Pilipinas. Wala rin daw tumatawag sa kanila kung kailan ito maiibiyahe. May mga nilapitan na sila ngunit hindi naman sila natulungan.

“Yung mamanugangin ko isinuot na lang ang wedding ring nila ng anak ko. Paano pa yun wala ng magsusuot ng kapares. Hanggang ngayon hindi pa namin makasama si Joseph. Sana matulungan niyo kami,” salaysay ni Efren.

Upang matugunan ang kahilingan sa amin ni Efren nakipag-ugnayan kami sa Department of Foreign Affairs kay Usec. Rafael Seguis. Lahat ng detalye ay ibinigay namin sa kanya.

Agad siyang nakipag-usap sa ating Consul General sa Riyadh na si Ezzedin Tago. Nagtulong-tulong ang ating embahada para malaman kung ano na ang status ng usaping ito.

Ayon sa report na ibinigay ni Vice Consul Alex Estomo ng Jeddah ayon sa report sa OUMWA noong Setyembre 17, 2015  na nung Agosto 23, 2015 ipinaalam sa Department na ang Post ay nakapagpasa na ng No Objection Certificate (NOC) para sa shipment ng katawan ni Joseph kay Faisal Mohammad Masri ng Summit Engineering Consultants.

Hiniling niya rin na naipasa kaagad ang NOC dahil ang Al Ula Police ay hinihingi ang orihinal na kopya ng mga dokumento bago sila mabigyan ng clearance.

Nakausap na din ng Post si Masri at ayon sa kanya ipinoproseso na nila ang mga dokumentong kailangan sa pag-uuwi ng katawan ni Joseph. Nagpadala na rin sila ng tao sa Al Ula Province para ayusin ang mga ito. Nagkaroon lang ng holiday kaya hindi ito nakompleto pero nangako naman sila na sa oras na magbukas ulit ang mga opisina run ay aayusin na nila ang lahat ng kailangan.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kapag sa ibang bansa ka namatay hindi ito basta maibabalik ng Pilipinas sapagkat may imbestigasyon pa itong pinagdadaanan. Tulad na lang ng nangyari kay Joseph na apat na buwan na ang nagdaan mula ng siya’y maaksidente.

Inaayos na nila ang mga dokumento dito kaya’t malamang ngayong buwan ay mapauwi na rin ito.

Para sa mga naiwan ni Joseph lalo na sa kanyang sampung buwang anak may benepisyo dapat silang makuha sa kompanya at ahensiya nito dahil ginagampanan niya ang kanyang tungkulin nung mga panahong yun (while in the performance of his duties)..

Humihingi din kami ng kopya ng report at autopsy sa pama­magitan ng e-mail para mapanatag ang kalooban ng pamilya kung ano ba talaga ang nangyari dito.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

 

 

Hotline: 09198972854

Tel. No.: 7103618

ACIRC ANAK ANG EFREN ITO JOSEPH LANG MGA NILA PARA SILA
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with