EDITORYAL – Ipakita na may disiplina
Rosalinda L. Orosa (Pilipino Star Ngayon) - January 15, 2015 - 12:00am

NGAYONG araw na ito darating si Pope Francis. Limang araw siyang mananatili sa bansa (Enero 15-19) at inaasahan na maraming tao ang sasalubong sa kanya sa pagbaba pa lamang sa Villamor Air Base. Tinagurian siyang “People’s Pope” kaya naman malaki ang posibilidad na marami ang maghangad na malapitan siya at makamayan, mayakap at mahalikan. Kahit pa mahigpit na ang bilin o babala ng mga awtoridad sa sambayanan na huwag lapitan ang Papa o gumawa ng anupamang pinagbabawal ay hindi pa rin inaalis na maaaring may sumuway dito. Hindi pa rin ganap na maunawaan na malaki ang magi-ging epekto kung dudumugin ng mga tao ang Santo Papa. Kapag nagkaganito maaaring magkaroon ng stampede at may mga masaktan.

Hindi inaalis ng awtoridad na maaaring sa pag­baybay o pagtahak ng convoy ng Santo Papa ay pahintuin niya ang sinasakyan para lamang kama­yan o batiin ang mga taong nasa paligid. Hindi maka­tatanggi ang kanyang security kapag ginawa ito ng Papa. May mga pangyayari nang ipinatigil ng Papa ang kanyang sinasakyan para lamang ma-kamayan at mayakap ang mga taong nasa gilid ng kalsada.

Kapag nangyari ito, huwag naman sanang magkaroon ng kaguluhan o tulakan. Nararapat na panatilihin ang disiplina habang may kinakamayan o kinakausap ang Papa. Kapag hindi pinairal ang disiplina at biglang nagkagulo, mga Pilipino ang mapipintasan sa pagkakataong ito. Malalagay na naman sa balita sa buong mundo ang kawalan ng disiplina at tiyak na marami na naman ang manlalait sa lahing ito. Kaya nga walang ibang maglulubog sa mga Pilipino kundi mga Pilipino na rin dahil sa kawalan ng disiplina.

Sundin lamang ang mga sinasabi ng awtoridad. Bawal ang pagdadala ng mga matutulis na bagay, payong, backpack, bawal manigarilyo sa lugar na pagdarausan ng misa at iba pang kautusan. Ito ay para na rin sa seguridad ng Papa at mga taong dadalo, ganundin din naman ang mamamayan na nais masilayan ang lider ng Simbahang Katoliko.

Kailangang mahigitan ng mga Pilipino ang pinakitang disiplina ng mga South Koreans nang dumalaw doon ang Papa noong nakaraang taon. Ni isang Koreano ay walang lumampas sa markang guhit habang nagdaraan si Pope Francis.

Ipakita na mayroong pagkakaisa kahit sa pila. Ito ang isalubong sa Santo Papa.

KAPAG PAPA PILIPINO POPE FRANCIS SANTO PAPA SIMBAHANG KATOLIKO SOUTH KOREANS
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with