Mga UN peacekeeper
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - September 1, 2014 - 12:00am

HINDI madali ang maging UN peacekeeper. Mga bansang miyembro ng United Nations ay obligadong magpadala ng kani-kanilang sundalo sa mga lugar kung saan kinakailangan sila para mapatupad ang kapayapaang napagkasunduan na at maging balakid sa anumang karahasan na maaring sumiklab sa pagitan ng dalawang magkatunggaling panig. Napapadala ang mga sundalo sa mga lugar na kilalang mapanganib dahil sa alitan at galit ng mga magkatunggali.

Isang halimbawa ng peligrosong lugar at mahirap na layunin ay Sarajevo noong panahon ng digmaang sibil sa lugar. Ang mga sundalo ng UN ay hindi ganong armado, dahil hindi naman digmaan ang kanilang layunin kundi kapayapaan. Hindi rin sila pwedeng makialam o makibahagi sa anumang digmaan. Kumikilos lang sila kung may lumalabag sa kasunduan ng kapayapaan o kung sila mismo ang nalalagay na sa peligrosong sitwasyon. Tila nakatali ang kanilang mga kamay sa mga delikadong lugar.

Katulad na lang ng ating mga sundalong ipinadala sa Golan Heights para bantayan ang kapayapaan sa pagitan ng Israel at Syria. May nagaganap na gulo sa Syria ngayon, kaya lagi silang mapagbantay sa sitwasyon. Noong isang taon, 25 Pilipinong peacekeepers ang dinakip ng mga rebelde sa Syria, at ang kanilang naging demanda ay tanggalin ng pangulo ng Syria ang kanilang mga sundalo mula sa isang bayan. Mabuti na lang at pinakawalan rin ang mga sundalo nang hindi sinaktan.

Ngayon naman, pinaligiran ng mga rebelde ang kampo ng mga Pilipinong peacekeepers matapos nilang madakip ang 43 sundalo mula Fiji. Pinasusuko ang kanilang armas at kampo, kapalit ang kalayaan ng mga sundalong taga-Fiji. Hindi pumayag ang ating mga magigiting na sundalo. Matapos ang pitong oras ng pakikipag-palitan ng putok sa mga rebelde, nakatakas at nasa ligtas na lugar na. Hindi sila sumuko, at hindi rin ibinigay ang demanda ng mga rebelde.

Ang kanilang kagitingan ay hindi pinagduduhan. Hindi ito ang unang beses na ang mga Pilipinong peacekeepers ay napapadala sa delikadong lugar. Pinadala rin sila sa Bosnia-Herzegovina, sa Congo, sa East Timor. Kapag binigyan na ng mga utos, susundan kahit ano pa ang mangyari. Pero may pananagutan din dapat ang United Nations. Dahil ang pagpapatupad ng kapayapaan ang kanilang pangunahing tungkulin, dapat binabantayan rin ang kanilang kaligtasan. May mga sitwasyon na hindi na saklaw ng kanilang tungkulin. Kapag nangyari na, dapat tinatanggal na sila kaagad. Dito rin minsan makikita ang depekto ng mga peacekeeping na misyon. Dahil nga tila nakatali ang kanilang mga kamay, limitado ang kanilang maaring gawin sa mga peligrosong lugar.

 

DAHIL EAST TIMOR GOLAN HEIGHTS KANILANG KAPAG LUGAR PILIPINONG UNITED NATIONS
  • Latest
Latest
Latest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with