DOE: Super El Niño maaaring magpataas ng singil sa kuryente, mas maraming brownout

MANILA, Philippines — Inamin ng Department of Energy (DOE) na posibleng magdulot ng panibagong pagtaas sa presyo ng kuryente at mas madalas na brownout ang nagbabadyang Super El Niño dahil sa inaasahang pagtaas ng konsumo ng elektrisidad sa bansa.
Sa sidelines ng ASEAN Ministers on Energy Meeting, sinabi ni Energy Secretary Sharon Garin na may malaking epekto sa merkado ang ugnayan ng demand at supply ng kuryente.
Sa kabila nito, tiniyak ng kalihim na mahigpit na nakikipag-ugnayan ang DOE sa Energy Regulatory Commission (ERC) upang matiyak na walang magaganap na pagsasamantala sa bentahan ng kuryente sa spot market.
Ayon pa kay Garin, naghahanap na rin ang pamahalaan ng mga paraan upang mapalakas ang suplay ng elektrisidad at maiwasan ang kakulangan sa kuryente.
Hinikayat din niya ang publiko na magtipid sa konsumo ng kuryente sa pamamagitan ng pagpapatay ng mga ilaw at pagbunot ng mga hindi ginagamit na appliances upang mabawasan ng 10%-20% ang demand.
Nauna nang sinabi ng PAGASA na inaasahang lalakas ang El Niño pagsapit ng huling bahagi ng 2026 at magpapatuloy hanggang sa unang bahagi ng susunod na taon.
- Latest

















