PNP pinaigting ang ugnayan sa ride-hailing firms sa seguridad ng riders, commuters

MANILA, Philippines — Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang pakikipag-ugnayan sa mga lehitimong ride-hailing at delivery service provider upang mapalakas ang seguridad ng mga rider at commuter at maiwasang magamit ng mga kriminal ang kanilang pagkakakilanlan o uniporme sa paggawa ng krimen.
Ang aksiyon ng PNP ay kasunod ng insidente ng pamamaril sa Makati City kung saan nilapitan umano ng mga sakay ng motorsiklo ang isang condominium manager at isa sa mga suspek ay nakitang nakasuot ng unipormeng kahawig ng ginagamit ng isang motorcycle ride-hailing service.
Dahil dito, nagbabala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) laban sa posibleng pagpapanggap bilang lehitimong rider upang makalapit sa mga target.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr., inatasan ang mga police unit sa buong bansa na paigtingin ang information gathering, police visibility at koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan, komunidad at service provider upang maagap na matukoy ang mga kahina-hinalang aktibidad. Hinimok din niya ang publiko at mga rider na agad iulat sa pulisya ang kahina-hinalang booking, delivery instruction o kilos at gumamit ng tamang channels sa pagberipika.
Bahagi ang hakbang ng PNP sa ilalim ng Focused Agenda at Enhanced Managing Police Operations (EMPO), na nakatuon sa maagap na pag-iwas at pagtugon sa krimen. Ayon sa PNP, mahalaga ang pakikipagtulungan ng publiko at lehitimong riders sa pagpapanatili ng seguridad, lalo na sa inaasahang pagdami ng mga biyahero at aktibidad ng publiko ngayong holiday season.
- Latest




















