LTO: Lifetime ban sa GSM driver na humalay sa pasahero
MANILA, Philippines — Habambuhay na pagbabawal sa pagmamaneho ang inirekomenda ng Land Transportation Office (LTO) laban sa driver ng GSM Taxi na inireklamo ng panghahalay sa kanyang teenager na pasahero noong Setyembre 12, 2026 sa Parañaque City.
Ayon sa LTO, nakatulog ang pasahero habang nasa biyahe at hindi naibaba sa itinakdang drop-off point. Sa halip, ibinaba umano siya sa ibang lugar na hindi tugma sa kanyang destinasyon, kung saan sinabing naganap ang pang-aabuso. Kalaunan ay nakatakas ang biktima at nagsampa ng reklamo laban sa driver.
Naging basehan ng LTO sa pagtukoy sa driver ang CCTV footage at booking details ng biyahe. Ang reklamo ay unang lumabas sa programang Raffy Tulfo in Action bago ito nakarating sa ahensiya.
Inatasan ng LTO ang driver at rehistradong may-ari o operator ng sasakyan na humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO Central Office sa Setyembre 24 para sa pagdinig. Kailangan din nilang magsumite ng sinumpaang salaysay o paliwanag kaugnay ng mga alegasyon.
Maaaring managot ang driver sa paglabag na Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na maaaring humantong sa suspensiyon o pagbawi ng lisensiya habang mananagot ang operator sa ilalim ng Joint Administrative Order 2014-01 kung mapatutunayang lumabag sa mga kondisyon ng prangkisa. Nasa alarm status ang taxi at lisensiya ng driver, na una nang sinuspinde ng 90 araw habang iniimbestigahan ang kaso.
- Latest
















