NLEX makikipagtulungan sa gobyerno sa problema sa baha
MANILA, Philippines — Tiniyak ng pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) sa pamahalaan na handa silang makipagtulungan para tugunan ang problema ng pagbaha sa ilang lugar tuwing malakas ang pag-ulan.
Ang paniniyak ay ginawa ng NLEX kasunod ng pahayag ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez sa pagdinig ng Senate Committee on Finance sa panukalang 2027 budget ng ahensiya. Sinabi ni Lopez na nakatakda siyang makipagpulong kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon at mga contractor upang talakayin ang mga problemang nararanasan sa NLEX.
Ayon kay Lopez, may mga lugar na naapektuhan ng mga isinasagawang programa at proyekto para sa pagpapahusay ng serbisyo sa NLEX, kabilang ang mga pasilidad o istrakturang maaaring naapektuhan ng mga ginagawang proyekto ng contractor. Tiniyak niyang agad itong tutugunan upang malutas ang mga problema, kabilang ang pagbaha.
Samantala, sinabi naman ni Senate President Sherwin Gatchalian na kayang tugunan ng Valenzuela ang mga problemang dulot ng mga proyekto sa kanilang lugar, ngunit mas mahirap umano itong gawin sa ibang lugar gaya ng Bulacan na hindi sakop ng kanilang lungsod.
Dagdag pa ng NLEX management, ang lahat ng programa, proyekto at improvement sa expressway ay nakabatay sa mga nakatakdang plano at disenyo. Patuloy din umano silang makikipagtulungan sa pamahalaan upang matiyak ang kaligtasan at mapabilis ang biyahe ng mga motorista patungo at palabas ng Hilagang Luzon.
- Latest



















