Kotseng naka-double park, wasak matapos masagi ng BFP truck

MANILA, Philippines — Wasak ang isang sedan na naka-double parking matapos masagi ng trak ng Bureau of Fire Protection (BFP) na rumeresponde sa emergency sa Macabulos St., Brgy. Bangkal, Makati City nitong Sabado.
Sa video ng Pulse PH, makikitang nahirapang dumaan ang BFP truck sa masikip na bahagi ng kalsada dahil sa mga nakaparadang sasakyan. Nasagi nito ang pinto ng sedan at umano’y naantala ang pagresponde.
Iniutos ni LTO chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao ang pagtukoy sa driver at rehistradong may-ari ng sedan at pagpapalabas ng Show Cause Order. Isinuko ng driver ang lisensya nito at sinuspinde nang 90 araw habang naka-alarm status ang sasakyan.
Pinahaharap ang mga ito sa LTO Intelligence and Investigation Division sa Setyembre 18. Kabilang sa iniimbestigahang paglabag ang illegal parking at obstruction of traffic. Binigyang-diin ni Lacanilao na bawat segundo ay mahalaga sa emergency response at nanawagan sa mga motorista na huwag humarang sa mga sasakyang rumeresponde.
- Latest

















