DOTr: Libreng toll sa mga sasakyan mula NLEX-Pulilan hanggang San Fernando at pabalik, epektibo na

MANILA, Philippines — Inanunsiyo ng Department of Transportation (DOTr) na simula nitong Miyerkules, Setyembre 2, ay epektibo na ang libreng toll para sa mga sasakyan na magdaraan sa North Luzon Expressway (NLEX) mula sa Pulilan, Bulacan hanggang San Fernando, Pampanga, at pabalik.
Bilang tugon anila ito ng pamahalaan sa matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko na nararanasan sa bahagi ng NLEX dahil sa pagbaha sa Tulaoc Bridge sa San Simon, Pampanga.
Nabatid na nasa P113 ang regular na toll para sa Class 1 vehicles na dadaan ng Pulilan-San Fernando, habang P281 naman ang Class 2 at P338 ang Class 3.Anang DOTr, magpapatuloy ang libreng toll hanggang sa bumalik sa normal ang sitwasyon sa NLEX.
Sinabi ng ahensiya na personal at agarang nakipag-ugnayan si Transportation Secretary Banoy Lopez kay NLEX Corporation President Luis Reñon, upang ilibre ang toll fee mula Pulilan-San Fernando at San Fernando-Pulilan para sa lahat ng sasakyan.
Nagpapasalamat din naman ang DOTr chief sa mga toll operator na patuloy na nagbibigay ng libreng toll para sa mga provincial buses at mga sasakyang naghahatid ng agricultural products sa ilalim ng UPLIFT initiatives ng pamahalaan.
Nabatid na ipinag-utos na rin ng DOTr at Toll Regulatory Board (TRB) sa NLEX Corp. na magbigay ng pagkain at tubig, at magtayo ng mga portalet para sa mga motoristang naiipit sa mabigat na daloy ng trapiko sa lugar.
- Latest



















